
Nakisaya ang Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition 4th Big Placer Duo na sina AZ Martinez at River Joseph sa It's Showtime ngayong Miyerkules, July 16.
Kabilang ang AzVer sa “Board Members” ng segment na “Breaking Muse” ng noontime show kasama ang Kapamilya actress na si Alexa Ilacad.
Ayon sa Sparkle actress, first time niyang nakapunta sa It's Showtime na aniya'y pangarap niya noon.
“Sobrang saya and pangarap ko po talaga 'to, makapunta dito sa [It's Showtime]. Sinasabihan ko si Ate Klang, 'yung nandoon kami sa PBB, 'Ate Klang, kahit PA mo 'ko, basta makasama ako sa Showtime, gusto ko pumunta,'” kwento niya.
Dahil first time ni AZ na makapunta sa It's Showtime, masaya niyang binati ang mga manonood gamit ang iconic line na “What's Up, Madlang People!”
Samantala, pangalawang beses na ni River na nakatungtong sa noontime variety show.
“Grabe ang tagal naming hinintay 'tong araw na ito na makasama rito sa Showtime,” aniya.
Tinanong naman ni Vice Ganda si River kung ano ang unang-una niyang ginawa sa outside world na hindi niya magawa sa loob ng iconic na Bahay Ni Kuya.
“Mahawakan ang pamilya ko, bigyan sila ng isang hug siyempre, at makakain ng mga masarap na pagkain,” sagot ni River.
Subaybayan ang It's Showtime tuwing Lunes hanggang Sabado, 12 noon, sa GMA at Kapuso Stream.