
Ramdam na ramdam ang love month fever sa Family Feud ngayong bisperas ng Valentine's Day!
Ngayong February 13, may "More Tawa, More Saya, More Love" Friday na siguradong magpapakilig at magpapatawa sa viewers. Isang nakakatuwang showdown ang magaganap na may halong wedding kilig at viral comedy.
Maglalaro sa Team Wedding March ang soon-to-wed couple na sina Mikoy Morales at Isa Garcia. Matapos ang kanilang engagement noong February 2025, tuloy na tuloy na ang kanilang paglalakad sa altar ngayong Marso. Makakasama nila ang kanilang “inner circle” na may espesyal na papel sa kanilang malaking araw. Ang “Best Woman” at co-star ni Mikoy sa Encantadia Chronicles: Sang'gre na si Mikee Quintos at ang Maid of Honor, professional photographer, at best friend ni Isa na si Tricia Atienza.
Sa Team Early Bird naman ay maglalaro ang komedyanteng si John Feir. Si John ay naging usap-usapan sa social media dahil sa aksidenteng pag-attend niya sa maling kasal. Akala niya'y kasal nina Mikoy at Isa ang kanyang pupuntahan, pero nakalimutan pala niyang i-check ang petsa sa invitation.
Makakasama naman ni John sa Team Early Bird ang kanyang Pepito Manaloto “wife” na si Chariz Solomon, ang kanyang kapatid na si James Feir, at ang sister-in-law na si Chi Feir.
Isang episode na puno ng kilig, kulitan, at riot na tawanan ang dapat abangan sa Family Feud ngayong February 13, 5:40 p.m. sa GMA at sa Kapuso Stream.
Sa mga home viewers, huwag kalimutang sumali sa Guess More, Win More promo ng Family Feud para sa pagkakataong manalo ng PhP10,000 up to PhP100,000!