
Isang ulirang anak at estudyante ang gagampanang role ng Kapuso star na si Kyline Alcantara sa bagong Wish Ko Lang ngayong Sabado, February 6.
Tiyak marami ang makakakuha ng inspirasyon sa istoryang tampok sa episode ng bagong Wish Ko Lang na pinamagatang 'Inggitera.'
Si Kyline Alcantara ang gaganap bilang Mikay, isang dalaga na pangarap makapagtapos ng pag-aaral sa kabila ng kahirapan.
Gaganap naman bilang magulang niya sina The Lost Recipe star Gabby Eigenmann (Mario) at dating Sexbomb dancer at 'Daisy Siete' actress Mia Pangyarihan (Liway).
Isang jeepney driver ang ama ni Mikay na si Mario. Hirap man sila sa buhay, hindi ito naging hadlang upang magsipag at makakuha ng mataas na grado sa eskuwela si Mikay.
Sa katunayan, may mga kaklase pa nga si Mikay na naiinggit dahil sa mataas na marka na nakukuha niya sa mga pagsusulit.
Ang ilan sa kanila ay pinagdududahan pa ang dalaga at naghihinalang nandadaya ito sa exam kaya nakakakuha ng mataas na grado.
At dahil nga sa inggit ay tila pagtutulungan ng mga ito na pabagsakin si Mikay.
Gaganap bilang mga inggiterang kaklase ni Mikay ang young Kapuso actresses na sina Ana Vicente at Chesca Salcedo.
Kasama rin sa 'Inggitera' episode ang mga aktres na sina Ayeesha Cervantes na gaganap bilang kapatid ni Mikay at si Rowena Concepcion bilang landlady na si Myrna.
Sa episode, hindi lamang mga inggitera ang kakaharaping pagsubok ni Mikay.
Nariyan ang problemang pinansyal na aabot sa puntong gusto na silang palayasin sa kanilang inuupahang bahay dahil hindi sila makabayad.
Madaragdagan pa ang kanilang suliranin dahil masasalanta ng baha ang kanilang tinitirhang bahay.
At kahit parang sunod-sunod ang dagok sa buhay nila, hindi pa riyan matatapos ang mga pagsubok para kay Mikay at sa kanyang pamilya, dahil mararanasan din nilang tumira sa jeep na minamaneho ng kanyang ama.
Ang pagtira sa jeep ng pamilya ni Mikay / Source: Wish ko Lang
Pero kahit maraming kinakaharap na pagsubok sa buhay si Mikay, patuloy lang siyang lumalaban sa buhay.
Sa trailer ng 'Inggitera' episode, may napakagandang linya si Kyline na binitawan tungkol sa pag-aaral at kahirapan:
“Hindi naman po ata puwede na kayo lang mga may pera ang may karapatang mag-aral. May utak ho ako. May mararating po ako.
“Hindi naman po puwedeng masayang lang 'yon. Kaya kahit mahirap man, pinaghihirapan po namin.”
Alamin kung paano malalampasan ng pamilya ni Mikay ang sunod-sunod na pagsubok sa kanilang buhay.
At abangan din kung ano ang kanilang hiling na tutuparin ng Fairy Godmother ng Bayan na si Vicky Morales.
Huwag palampasin ang 'Inggitera' episode ng bagong Wish Ko Lang, ngayong Sabado alas-4 ng hapon sa GMA-7.
Vicky Morales grateful for warm reception to all-new 'Wish Ko Lang' episodes