
Naging emosyonal si Comedy Concert King Wally Bayola nang ikuwento ang kanyang buhay sa pamamagitan ng isang musical act.
Bongga at inspiring ang performance ng Kapuso comedian kaya pati ang kanyang co-stars ay naiyak rin. Special mention niya, “Sunday PinaSaya family, maraming salamat. Mahal na mahal ko po kayo kasi every Sunday is family day.”
Sinubukan ng komedyante na pigilan ang kanyang iyak sa pamamagitan ng pagpapatawa ngunit hindi niya ito nagawa. Naging seryoso si Wally nang inalala ang kanyang pamilya, “Nami-miss ko ‘yung mga anak ko [kasi] every Sunday, doon kami nagbo-bonding.”
Umiba ang kanyang routine tuwing Linggo, “Noong nag-Sunday PinaSaya [ako], nalungkot ako pero sabi ko, ‘Okay lang, ito na ‘yung pamilya ko ngayon [at] ito ‘yung mga anak ko.’”
Niyakap siya nina Aiai Delas Alas, Alden Richards, Julie Anne San Jose, Valeen Montenegro, Barbie Forteza, Lovely Abella at Atak. Saad ni Wally, “Bali, hindi pa rin nasayang kasi ‘pag dinner, family day pa rin. Una, simba, pangalawa, Sunday PinaSaya, pangatlo, pamilya. Maraming-maraming salamat.”
Binanggit rin niya ang kanyang mga kapatid sa industriya, “Jose [Manalo], brother, I love you. Pagaling ka. Paolo [Ballesteros], nasaan ka man girl, ingat ka. JoWaPao, maraming salamat.”
Pinasalamatan rin ng komedyante ang mga taong tumupad sa kanyang pangarap, “Sa TVJ, sa Eat Bulaga, sa Sunday PinaSaya, GMA, mga Dabarkads [at] mga Kapuso, maraming-maraming salamat sa inyo.”
Nagdiwang ng ika-45 na kaarawan si Wally noong May 3.
MORE ON 'SUNDAY PINASAYA':
IN PHOTOS: “Happy Dito” sa Sunday PinaSaya
MUST-WATCH: Gabbi Garcia at Ruru Madrid, kinilig sa kanilang “almost kissing” scene
‘Sunday PinaSaya,’ proud of Aiai Delas Alas’ ASEAN Film Festival Best Actress award