
Binalikan ng Sparkle actress na si Lexi Gonzales ang challenging moment niya na ipinalabas sa pilot week ng Running Man Philippines season 2, kung saan napaiyak siya sa "group jump rope" mission nila.
Naka-chikahan ng Kapuso comedienne na si Maey Bautista si Lexi Gonzales sa Kapuso ArtisTambayan (KAT) noong May 23, kung saan nakasama rin niya ang fellow Runners na sina Mikael Daez at Miguel Tanfelix.
Makikita sa second episode ng reality-game show na ipinalabas noong May 12 na nahirapan si Lexi sa naturang mission.
Kuwento niya kay Maey, naiyak siya no'n dahil na ramdam niya ang suporta ng Runners sa kaniya.
Balik-tanaw ng Sparkle 10 member, “Kasi nakakatouch e… Iba 'yung nafeel kong support nila sa akin, pati na rin si Miguel. Kahit na bago lang siya recently, lahat sila tulong-tulong. Lahat kami, 'yung feeling na para kaming isang buong cell, na 'pag kulang 'yung isa, hindi talaga kami magwo-work.”
Para naman sa newest Runner na si Miguel Tanfelix na nagawa raw ng co-Runners niya i-break down ang walls niya kaya naging madali ang adjustment sa kaniya lalo na at aminado siyang mahiyain.
Ipinakilala bilang eighth Runner ang homegrown Kapuso actor at ang OG runner naman na si Ruru Madrid ay magkakaroon ng special participation sa latest season.
Lahad niya sa Kapuso ArtisTambayan, “Nasa mindset ko naman 'yung maging game every time, kasi Running Man. Pero siyempre 'yung mga personal relationship na nabubuo ko with Runners parang mahiyain ako nung una sa kanila. Ngayon, mas comfortable ako.”
Dagdag pa nito na kahit tapos na ang shooting nila sa Running Man Philippines ay nagkikita pa rin sila kung may pagkakataon.
“Nagkikita kami kahit walang work, ini-invite ko si Kap [Mikael Daez] sa South, mag-basketball kami.” sabi ni Miguel.
Bukod sa mataas na ratings na nakukuha ng kanilang show sa weekend primetime, feeling accomplished din si Mikael Daez sa dami na nakikita niyang post, tweet at memes online tungkol sa Running Man Philippines.
Ayon kay Kap na senyales ito sa tingin niya na nag-e-enjoy ang lahat sa content na nakikita nila sa kanilang programa.
“Ako nagpapasalamat ako [at] natutuwa ako dahil siyempre hindi mo alam 'yung magiging audience reception sa season two. Pero nakakatuwa dahil parang ngayon na acquainted na 'yung audience sa Running Man, ang daming memes!” saad ni Mikael.
Pagpapatuloy niya, “Ang daming memes na lumalabas na sobrang natutuwa kaming lahat. 'Yung mga kalokohan na ginagawa namin, si Buboy na nagdi-dive sa ice tapos ako na chinoke out ng MMA fighter. So 'yung mga ganun, ang daming nagti-tweet, ang daming nagko-comment e para sa akin, 'yun ang sign na nage-enjoy lang sila na may reaksyon sila dun sa nagaganap. At para sa akin nakakatuwa 'yun, kasi 'yun lang talaga ang gusto ko na mapanood nila 'yung Running Man season two at ma-enjoy nila. Hence, hopefully that turns to engagement.”
Ulitin ang kulitan nina Mikael, Miguel, at Lexi kasama si Maey Bautista sa Kapuso ArtisTambayan sa video below!
RELATED CONTENT: MEET THE KOREAN STARS JOINING THE MUCH-AWAITED RUNNING MAN PH SEASON 2