
Tila quota na sa mga papuri si Barbie Forteza ngayong taon matapos siyang purihin nina Boots Anson Roa-Rodrigo at Charo Santos-Concio.
Ang mga beteranang aktres ay co-actors ni Kapuso Primetime Princess sa pelikula ni Brillante Mendoza na Until She Remembers, na ipalalabas sa mga sinehan sa February 25.
Sa ginanap na intimate media conference nitong Martes, February 10, inihayag ni Boots ang kanyang paghanga sa dalagang aktres.
Aniya, “Kami pong mga matatanda, kahit [mas] bata sa amin, and Barbie is one of them. Sa akin pong pagtingin, she is probably the brightest in the generation that she belongs to.
“Kasi, itong batang ito, puwede siyang maging direktor. Ang galing sa nuances na magugulat ka na angkop naman sa eksena pero di mo aakalaing somebody as young as her would take up on that nuance.
“I told her nga, 'Barbie, at your age, you're not even 30, pero ang utak mo pang-singkuwenta anyos na.' It's really a privilege to work with her.”
Kinilig naman nang sobra si Barbie sa kanyang narinig.
“Hindi ko po kasi talaga akalain na mare-recognize ang trabaho ko nang ganun,” sabi niya.
“Sobrang honored and proud na rin kasi, di ba, hindi naman natin madidiktahan ang isang Ms. Boots na magsabi ng kung anu-ano lang. So, ang ibig sabihin, talagang totoo yun! So, maraming-maraming salamat po talaga. Maraming salamat po from the bottom of my heart.”
Dagdag pa niya, “Napaka-unbelievable po lahat ng nangyayari sa akin ngayon. Feeling ko ito ay enough reward na para sa akin itong buong taon na 'to, agad-agad!”
Katulad ni Boots, humanga rin ang batiking aktres at TV executive na si Charo, di lamang sa husay ni Barbie sa pagiging aktres kundi pati sa maayos niyang pakikitungo sa mga katrabaho.
“Sinubaybayan ko talaga yung serye mo, ha. I was so engaged with your character and your performance,” malambing na sabi ni Charo kay Barbie, na bumida sa GMA Prime series na Pulang Araw.
“Wala ka namang intimidation, di ba?” tanong niya kay Barbie.
Sabay kuwento, “Magkasama kami sa dressing room, e. E, alam n'yo naman ako, I'm the type to break the ice, so, 'Hi, how are you?' Tinatanong ko siya, pero hindi naman love life.
“I really wanted to get to know her personal life. I really wanted to get to know Barbie in person kasi kailangan palagay siya at importante sa akin na makilala yung tao.
“I found her very simple and down-to-earth. So, sana naman hind siya ninerbiyos. Hindi ko naman naramdaman. Ang gaan talaga ng samahan naming lahat sa set.”
Bilang tugon sa tanong ni Charo, natatawang kuwento ni Barbie, “Wala pong katotoohanan na hindi po ako nai-intimidate. My gosh! Diyos ko po! Alam ko po ang estado ng isang Ms. Charo Santos-Concio sa industriya.
“At para sa isang batang aktor na talagang sineseryoso ang kanyang propesyon at kanyang craft, talagang I really kept in mind, 'Barbie, kasama mo siya, co-actor mo siya. Kumalma ka, ha?!'
“Pero naaalala ko talaga nung storycon sa Center Stage, siya ang huling dumating, 'Hala, si Mama Mary. Nandito na siya. Totoo na ito.' Sabi ko talaga, 'Barbie, kalma. Aktor ka dito.' Pero siyempre, hindi ko napigilang hindi magpa-picture dahil lagot ako sa nanay ko kapag hindi ako nagpa-picture, bilin na bilin.”
Ibinalik din ni Barbie ang paghanga kay Charo, na gumanap bilang kanyang lola sa Until She Remembers.
“Working with Ms. Charo as my grandmother, I really felt the connection with her. It's because she was so generous. Tama po si Ms. Charo, magkasama kami sa dressing room, at napaka-generous niya in term of simple chika, malaking bagay po yun. Yung pag-share niya ng stories and experiences.
“Malaking bagay rin po si Direk Brillante na ini-insist niya na sabay-sabay kaming kumain kasi doon lang naming nakikilala ang isa't isa. Malaking bagay po yun kasi mas nagkakaroon ako ng deeper understanding of who we are outside the industry.
“So, naging madali po sa akin na makatrabaho si Ms Charo kasi napakagaan niyang katrabaho, walang kaere-ere, very generous and reliable actor.”
Sa kabuuan, itinuturing ni Barbie na bagong experience ang pagiging bahagi niya ng Until She Remembers.
“Parang everything felt so surreal for me,” paglalarawan niya.
“Also this really reminded me why I do what I do. I have such high respect for people who see me as an actress and not as a celebrity. Being part of this film, parang napaka-privileged ko. Parang ibig sabihin seryoso ang tingin ng mga tao sa akin dito kasi nagtiwala sila enough to put me in this film.
“I will forever be grateful to people who respect me that way because I want to be here for the long run as well. Feeling ko ito yung isa sa mga pelikula na forever kong ipagmamalaki.”
Samantala, narito ang ilan pang natatanging pagganap ni Barbie sa pelikula at telebisyon: