
Napanood muli ang Kapuso Primetime Princess na si Barbie Forteza sa It's Showtime kahapon (November 6).
Related content: Barbie Forteza, Sanya Lopez, Rayver Cruz, at iba pang Kapuso stars na napanood sa 'It's Showtime'
Isa si Barbie sa mga hurado ng week-long anniversary special ng nasabing noontime program, ang “Magpasikat 2023.”
Unang sumalang ang team nina Vhong Navarro, Jugs Jugueta, at Teddy Corpuz sa “Magpasikat 2023” at binigyang-pugay nila ang mga yumaong Pinoy comedian.
Gumamit ng artificial intelligence o AI ang tatlong hosts sa kanilang performance, kung saan pinalitan digitally ang kanilang mga mukha ng mga mukha nina Dolphy, Redford White, Babalu, Bert “Tawa” Marcelo, Mely “Miss Tapia” Tagasa, Dencio Padilla, German “Kuya Germs” Moreno, at iba pang mga komedyante.
Matapos ito, isa si Barbie sa nagbigay ng komento tungkol sa performance nina Vhong, Jugs, at Teddy. Labis na nagpapasalamat din ang aktres sa It's Showtime sa pagpili sa kanya bilang isa sa mga hurado ng “Magpasikat 2023.”
"Ako man po ay kahit bagets pa, alam ko po ang experience ng nagre-rehearse, may mga prod na hindi nagwu-work out so kailangan nating ibahin last minute. So na-appreciate ko 'yon. And ako naman basta Showtime, expected ko na ang entertainment, ang humor, at ang hardwork," pagbabahagi niya.
Dagdag pa niya, "Ang hindi ko inaasahan, pinagsama n'yo 'yung technology today at 'yung pagpe-pay ng tribute sa ating mga comedy legends. Ang galing. Hindi ko akalain na magagawa n'yo 'yon at nagawa n'yo nang live. Ipinakita n'yo na nagawa n'yo nang live. Ang galing, sobrang galing. I'm so honored to be here and tama po si Sir Tirso, mahihirapan nga kami nitong linggong 'to."
Matatandaan na unang napanood ang Sparkle star sa opening number ng It's Showtime nang umere ito noong July 1 sa GTV.
Subaybayan ang It's Showtime, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 a.m., at Sabado tuwing 12 noon, sa GTV.