
Proud ang Pulang Araw star at kalahati ng love team na BarDa na si Barbie Forteza sa kaniyang kapareha na si David Licauco sa mahusay na acting na ipinapakita nito sa serye.
Sa panayam ni Barbie kay Lhar Santiago para sa 24 Oras, ibinahagi niya ang mga pagbabago sa pag-arte ni David na nakita niya ngayon sa kanilang serye.
“Sabi ko nga, umpisa pa lang nu'ng taping, nakita ko na 'yung sinimulan niyang mahalin 'yung craft, sinimulan niyang mahalin 'yung character ni Hiroshi,” sabi ng aktres.
Pagpapatuloy pa ni Barbie, “Talagang in-embrace niya 'yung character, kinilala niyang mabuti kaya bawat performance niya, talagang nakikita mo 'yung improvement niya na nakakatuwa and nakaka-proud.”
May ilang taon na rin nagkatrabaho at nagkaroon ng proyekto na magkasama sina Barbie at David. Kaya naman pag-amin ng Kapuso Primetime Princess, nagiging mas malapit na sila ng Pambansang Ginoo sa bawat proyekto na kanilang ginagawa.
BALIKAN ANG KUWENTO NG PAGKAKAIBIGAN NINA BARBIE AT DAVID SA GALLERY NA ITO:
Ayon kay Barbie, hindi na bago sa kaniya ang magkaroon ng close na friendship sa opposite sex dahil bukod kay David, malapit na kaibigan rin niya ang kanilang co-star na si Alden Richards.
“Ako naman, sa industriya, hindi naman naging mahirap for me na bumuo ng friendship sa opposite sex. 'Yan sina Derrick (Monasterio), sina Kristoffer (Martin),” sabi ng aktres.
Samantala, nagsisimula na ang giyera sa pagitan ng mga Hapon at Pilipinas sa hit historical series nila na Pulang Araw. At dahil Hapon din ang karakter ni David dito na si Hiroshi, na kaibigan nina Adelina (Barbie) Eduardo (Alden) at Teresita (Sanya Lopez), ay masusubukan ng giyera ang kanilang pagkakaibigan.
“Tingnan natin kung ito ba ay mas magpapatibay ng kanilang friendship at samahan, or ito ba ay magiging dahilan para mabuwag ang kanilang pagsasama,” sabi ni Barbie.
Samantala, kamakailan lang ay nakatanggap rin ng papuri si David mula sa writer mismo ng drama na si Suzette Doctolero.
Sa X (dating Twitter), sinabi ng award-winning writier na ipinamalas ni David ang kaniyang galing sa pag-arte sa pagganap niya bilang si Hiroshi.
“Pinatunayan ni David na mahusay siyang umarte, hindi nagpahuli. Lahat ng artista, sa kahit na anong istasyon, lagi sana nating bigyan ng chance to improve their craft. At nagagawa ito ni David,” sabi ng batikang writer.
Sa huli, sinabi ni Doctolero, “Siya si Hiroshi Tanaka. Arigato goizamasu, David!”
Panoorin ang Pulang Araw Lunes hanggang Biyernes, 8 p.m., sa GMA Prime.