
Sa panayam ng Maria Clara at Ibarra actress na si Barbie Forteza sa vlog ni Karen Davila, inamin nito na kahit mahigit 25 na teleserye na ang nagawa niya, hindi naging madali ang kanyang buhay artista.
"Hindi po talaga madali 'yung trabaho natin, number one 'yung oras. Oras with yourself, oras with family. Isa 'yun sa nakaka-drain talaga eh. Isa sa mga rason bakit ka gi-give up not unless 100% sure ka na ito ang gusto mong gawin."
Nagsimula sa pagdiskubre ng sariling talento ang pag aartista ni Barbie. Aniya, "Nagpa-practice kasi po ako sa bahay, dati sa probinsya namin, umiiyak ako sa salamin. Tapos natutuwa ako kapag nagagawa ko siya."
Nang mapansin niyang may kakayahan siyang umarte, nagsimula na siyang mangarap maging artista. Ngunit hindi naging madali ang landas patungo sa kanyang pangarap.
"Hindi naman ako galing sa comfortable family, 'yung tatay ko nga po tricycle driver dati... 'Yung nanay ko, may family business po kasi kami dati na yema at saka pastillas. Tapos si mama 'yung mga gumagawa ng mga kahon."
Dagdag pa ni Barbie tungkol sa dating trabaho ng ama na si Tony, "Sabay po kaming gumigising. Ako dahil mag-pe-prepare sa school, si daddy naman mag-pe-prepare kasi ihahatid kami ni ate tapos papasada na siya, una kami lagi ni ate. By lunch time, susunduin niya kami tapos may dala-dala siyang tapsilog o kaya fried chicken. Natutunan ko po sa kanila maging madiskarte."
Gayunpaman, hindi niya naramdaman na mahirap ang buhay dahil sa pag-aaruga ng kanyang pamilya. "To be completely honest, and I'm really thankful to my parents for this, gusto ko maging artista. Never nilang pinaramdam sa amin ni ate na kailangan namin tumulong sa kanila. As I get older, naiintindihan ko na nakakatulong pala ako sa kanila, so mas lalo kong minahal 'yung trabaho ko."
Samantala, ang ina ni Barbie na si Imelda ang naging kasama niya at naging gabay niya sa pagpasok sa showbiz. Mula Laguna hanggang Quezon City ay bumabyahe silang mag-ina para makapag-audition si Barbie.
Sa una niyang VTR audition, nadismaya ang aktres na hindi siya napili, bagay na naging dahilan para maging down ang aktres. Hindi kasi biro ang pinagdaanan nilang mag-ina na lumuwas pa mula Laguna at pilit na pinagkasya ang baong limang daan sa pagkain at pamasahe pauwi.
"Sabi po niya sa akin, [ng nanay] 'Isipin mo nang mabuti kung ito ang gusto mo kasi kung ito talaga ang gusto mo pag-iipunan natin ang pamasahe natin. 'Yun ang naging motivation ko."
Matapos ang dalawang taon ng pagiging commercial model, nakuha si Barbie bilang extra sa 2007 action series na Lupin. Nakuha rin siya bilang batang MariMar sa Philippine adaptation ng Mexicanovela.
Nang makapanayam ang ama ni Barbie, nakwento nito ang mga sakripisyo ng kanilang pamilya para makaraos sa buhay.
"Napakaswerte po naming mag-asawa sa mga anak. Mag-ko-commute po araw araw papuntang Makati, nandoon po 'yung service tapos magbabaon lang ng pandesal kasi kulang 'yung allowance," pag-alala ng tatay ni Barbie.
Ang pinakanatutunan diumano ng kanilang pamilya, ay ang pagiging matatag sa mga hamon ng buhay. "Hindi naman pala all the way ganoon ang buhay ng tao, giginhawa din."
BALIKAN SI BARBIE FORTEZA BILANG KLAY SA 'MARIA CLARA AT IBARRA':