
Nagbigay pugay at inalala ng ilang personalidad at fans ang yumaong Superstar na si Nora Aunor sa huling araw ng kaniyang burol nitong Lunes, April 21, na ginanap sa Heritage Park sa Taguig City.
Kabilang sa mga umalala sa namayapang National Artist ay si Kapuso Primetime Princess Barbie Forteza, Mga Batang Riles actor Roderick Paulate, at ang batikang direktor na si Joel Lamangan.
Sa panyam sa kanila sa Fast Talk with Boy Abunda, ibinahagi ni Barbie ang natutunan niya mula kay Nora, “Ang natutunan ko po talaga sa kaniya, 'wag kalilimutan batiin ang pinakamataas hanggang sa pinakamababang tao sa set.”
Inalala naman ni Roderick kung gaano kahirap ang daan na tinahak ni Nora para maabot ang kaniyang narating. Pag-amin ng batikang aktor, hindi lahat ay kakayanin gawin ang nagawa ng batikang aktres.
Para naman kay Joel, isa sa mga hindi niya malilimutan tungkol kay Nora ay kung gaano nito kamahal ang mga tao at trabahong ginagawa.
“The fact na mahal niya ang mga tao, mahal niya ang taong bayan, mahal niya ang mga role na pino-portray niya, at makatotohanan ang mga ginagawa niya,” sabi ni Joel.
Itinuturing naman ni singer-actress Kuh Ledesma si Nora bilang “the biggest superstar of our nation”.
TINGNAN ANG ILAN PANG CELEBRITIES NA INALALA AT NAGBIGAY PUGAY KAY NORA AUNOR SA GALLERY NA ITO:
Ilang fans din ang nagpatotoo ng kabutihan at ng pagiging mapagbigay ni Nora, na kilala rin bilang si Ate Guy. Sa katunayan, sabi pa ng isang fan ay hindi mahirap lapitan ang batikang aktres, at sinabing wala itong pinipili na tinutulungan.
Isang fan pa nga ang nagsabi na handa siyang bigyan si Nora ng kaunti niyang lupain at patayuan ng kwarto kung sakaling wala na itong matirahan dahil ganoon niya kamahal ang batikang aktres.
“Mabait siya sa mga fans e, sobrang mahal siya, matulungin,” sabi ng isa pang tagahanga ng aktres.
Sa panayam naman ni Boy sa mga anak ni Nora na sina Ian, Lotlot, Matet, Kiko, at Kenneth de Leon, hiniling ni Lotlot na sana ay maalala ng mga tao na meron ding “humble beginnings” ang kanilang ina, at kung papaano ito pinagpala na nakapasok sa show business.
“Binigay niya 'yung oras, panahon, talento, at pagmamahal niya sa lahat ng walang hinihinging kapalit, and that she's grateful sa lahat ng nagmamahal sa kaniya, na mga tagahanga niya, mga kaibigan niya, na ang lagi naman sinasabi ni mommy, kung hindi naman dahil sa kanilang lahat, wala siya,” sabi ni Lotlot.