
Bibida si Barbie Forteza sa upcoming comedy movie na pinamagatang Saving Cherry, na mapapanood na sa susunod na buwan.
Nitong Lunes (August 3), naganap ang media conference para sa nasabing pelikula, kung saan ipinakilala ang stellar cast at ibinahagi ng mga ito kanilang mga naging karanasan sa pagbuo ng Saving Cherry.
Dito ay ikinuwento ni Barbie na ang karakter niya bilang Cherry ay ang "wildest woman" na kanyang nagampanan. Labis din ang kanyang pasasalamat sa direktor ng pelikula na si Ivan Andrew Payawal dahil sa freedom na ibinigay nito sa kanila ng kanyang co-stars sa pag-atake ng kanilang mga eksena.
“She is the wildest woman I've ever portrayed to date. Siya 'yung wildest and most freeing, I think, for me. And lahat 'yun ipinagpapasalamat ko kay Direk Ivan. Not just 'yung role, pero 'yung freedom of approaching every scene.
"Binigyan niya kaming lahat ng buong laya as to how we understood every scene. Nakinig siya sa amin. He is a really good captain and we all thank you. Thank you so much,” pagbabahagi niya.
Thankful din ang Sparkle actress sa Regal Entertainment dahil ang Saving Cherry ang kanyang comeback project dito. Matatandaang bumida si Barbie sa Mano Po Legacy: The Family Fortune, ang teleseryeng iprinodyus ng Regal Entertainment at ipinalabas sa GMA Network noong 2022.
Ayon pa kay Barbie, pinaghandaan niya ang kanyang karakter sa pamamagitan ng pagpapakita ng kanyang wild side. Pag-amin pa ng Kapuso star, si Cherry ay ang most mature role na nagawa niya.
Aniya, “In-unleash ko lang 'yung wild side ko. Actually, ang saya kasi aminin naman natin, hindi naman lahat 'pag mabait, mabait, 'di ba? So, hindi ko rin akalain na may ganon din akong side. Wild pero may dahilan, may lalim, and most of all, I think, so far ito 'yung most mature role ko because we will tackle about marriage, e.
“Ito 'yung role ko na kasal na ako agad-agad umpisa pa lang. Marami ho talagang pagdadaanan ang pelikula namin and we would all love for all of you to join us in this journey."
Makakasama ni Barbie sa cast ng Saving Cherry sina Khalil Ramos, Mika Salamanca, Mikee Quintos, AC Bonifacio, Joey Marquez, JC Alcantara, Kokoy De Santos, at iba pa.
Mapapanood ang Saving Cherry sa mga sinehan nationwide simula September 2.
Related gallery: The acting range of Barbie Forteza