
Walang ina ang hindi nalulungkot o nasasaktan sa tuwing nakikita nilang nahihirapan ang kanilang mga anak. Gaya ng karamihan, ganoon din ang nararamdaman ni Mary Anne Ranollo sa tuwing nakikitangumiiyak o humaharap sa pagsubok ang kanyang anak at Kapuso aktres na si Bea Alonzo.
Sa panayam ni Boy Abunda para sa TV special na My Mother, My Story, binalikan ni Bea ang mga karanasan at emosyon niya noong siya'y nakakaranas ng heartbreaks sa buhay.
Doon inamin ng Widows' War star na labis siyang nalungkot at nasaktan sa mga pangyayari, hindi dahil sa mga hiwalayan o sa mga pagsubok, kung hindi sa epekto nito sa kanyang ina.
Kuwento ng aktres, nakikita kasi niya ang kanyang inang nasasaktan sa tuwing naluluha o nahihirapan siya harapin ang mga pagsubok sa buhay at opinyon ng publiko.
"Very much affected, especially dahil marami ngang nasasabi tungkol sa akin [na] hindi totoo. I think, iyon 'yung pinakamalaki 'yung weight sa kanya. Kasi siyempre, alam niya how hard I worked to get where I am. Para magkaroon ng magandang reputasyon and sa trabaho natin, reputation is everything. She felt na it was unfair to me na maraming nasasabi tungkol sa akin na hindi totoo. Especially kung maganda- it was very much amicable," pahayag ni Bea.
Kahit nais siyang ipagtanggol ng kanyang ina, tiniis pa rin nito hindi magsalita at suportahan na lamang si Bea nang personal, lalo na sa tuwing nakakaranas ang aktres ng breakups.
"Hindi talaga siya nagsalita kahit kanino. Sa lahat ng breakups ko, actually, never," sabi ng aktres.
Nasaktan din si Bea na makita ang kanyang ina at pamilya na napektuhan din sa kanyang mga isyu. Meron pa raw netizens ang gumagawa ng fake news na may kinalaman daw ang kanyang ina sa kanyang dating hiwalayan.
"Ang masakit lang sa akin, siyempre, nadadamay sila. Iyon 'yung medyo may thing kasi ako, sanay ako, e. Hello? Matagal ko nang ginagawa ito. Pero kapag 'yung pamilya na 'yung nadadamay 'tapos, gumagawa pa sila ng mga theories. 'Tapos, ginagawang villain ang nanay ko, masakit. Masakit iyon," sabi ni Bea.
Para sa Kapuso star, labis ang pasasalamat niya sa kanyang ina, na palaging nandiyan sa kanyang tabi sa tuwing humaharap siya sa mga pagsubok sa buhay at career.
Ayon sa kuwento ni Bea, may isang beses na raw na yinakap siya noon ng kanyang ina nang mahigpit at hinayaan siyang ibuhos ang kanyang emosyon sa loob ng ilang oras.
Panoorin ang panayam ni Bea Alonzo tungkol sa kanyang ina sa video sa itaas.
Samantala, maaring balikan ang mga iba pang madamdaming episode ng My Mother, My Story, sa GMA Network website at social media pages.
Tingnan ang behind-the-scenes sa panayam ni Boy Abunda kay Bea Alonzo: