
Sa likod ng matamis na ngiti at gandang agaw-pansin ng isang beauty queen mula Sorsogon, may nakatagong kuwento ng pakikibaka, insecurities, at muling pagbangon. Si Patricia, na noon ay laging ikinahihiya ang isang marka sa kanyang noo, ngayo'y nagsisilbing inspirasyon sa iba sa kanyang tapang na yakapin ang pagiging totoo.
“High school ako nu'n, na-realize ko na may something. Talagang may kakaiba sa akin na wala 'yung ibang tao, especially 'yung mga girls. Hindi talaga normal,” pagbabalik-tanaw niya sa isang panayam sa Kapuso Mo, Jessica Soho.
Lumaki si Patricia na madalas gawing sentro ng tukso at kuryosidad dahil sa kanyang itsura.
“Nakaka-down siya 'pag tinitingnan siya sa salamin. 'Pag sa public place, dadaan ako, 'yung mga taong napapabalik ng tingin sa'kin. Curious sila. Sinasabi nila na, 'Ay, pinaglihi 'yan sa kalabaw,'” kuwento ni Patricia.
Dahil dito, unti-unting bumaba ang kanyang tiwala sa sarili.
“Every day pumapasok ako na pinagtatawanan. Hindi ako makatingin sa iba. Lagi lang ako nakayuko para maiwasan na tuksuhin ako. Verbal lang 'yun pero tagos kasi siya sa buto. Super nakakababa ng confidence.”
Pati sa kanyang love life, ramdam niya ang epekto.
“Hindi po tumatagal ng taon 'yung nagiging boyfriend ko. Lagi ako 'yung iniiwan. Minsan napapaisip ako dahil ba kasi mayroon akong ganito sa mukha, kaya ba ako laging pinagpapalit sa iba?” aniya.
Ngunit nagbago ang lahat nang may nagbigay sa kanya ng lakas ng loob.
“May nagsabi sa akin, 'Kaya mo 'yan, Be. Sumali ka na. Maganda ka naman. Ang sexy mo pa. Kaya mong sagutin 'yung Q&A,'” pag-alala niya.
Mula roon, nagpasiya siyang subukan. “Dahil du'n, pinush ko. Baka ito na 'yung step para ma-gain ko 'yung confidence na matagal ko nang hinahanap. Du'n napapatunayan ko na 'Ay, kaya ko pala.'”
Ngayon, si Patricia na dating nagtatago sa likod ng kanyang bangs, ay buong tapang nang ipinagmamalaki ang kanyang kuwento hindi na bilang kahihiyan, kundi bilang simbolo ng lakas.
Patuloy na subaybayan ang KMJS tuwing Linggo 8:15 ng gabi sa GMA Network.
Panoorin: