
Ipinagdiwang kamakailan ng aktres na si Bela Padilla ang fourth anniversary nila ng Swiss boyfriend na si Normay Bay.
Sa pamamagitan ng isang post sa Instagram, ipinakita ni Bela ang appreciation niya para kay Norman, lalo na at medyo matagal na rin silang nasa isang long distance relationship.
"To the person who supports my mission to finish Hogwarts Legacy on the PlayStation and will happily take over the stages that are too scary for me, happy anniversary ❤️ and I miss you!" sulat ni Bela sa kanyang post kasama ng ilang mga litrato nila ni Norman.
Marami sa mga celebrity friends ni Bela ang nagpahatid ng kanilang pagbati sa milestone na ito, kabilang sina Angelica Panganiban, Rhen Escaño, Dani Barretto, Joanna Ampil, at marami pang iba.
Pero agaw-pansin ang isang komento na tila out of place sa masayang post ni Bela.
"Bakit anniversary? Ano yung kay Dominic? Kaloka nakakawalang respeto sa self 😢," sulat ng netizen.
Ikinagulat din ni Bela ang comment kaya napasagot na lang siya dito ng tatlong question marks.
Tila napagkamalan ng commenter na ito si Bela bilang ang aktres na si Bea Alonzo na kabe-break lang sa boyfriend at fiance niyang si Dominic Roque.
Mabilis namang itinama at ipinaliwanag ng ilang pang commenters na magkaibang tao sina Bela Padilla at Bea Alonzo. Hirit pa ng iba na magkamukha ang dalawang aktres kaya madali silang magpagkamalan bilang isa't isa.
Samantala, naka-base na si Bela sa London at kababalik lang niya sa Pilipinas ngayong February.