
Hindi lang mga musical instruments ang gagamitin ng Pinoy band Ben&Ben sa kanilang mga musical covers dahil pati household items ay tampok na rin dito.
Inilunsad ng grupo ang “Home Tours” sa kanilang YouTube channel kamakailan kung saan tampok ang kanilang mga musical covers gamit ang iba't ibang gamit sa bahay gaya ng kutsara at tinidor, maleta, at rubik's cube.
“Gusto talaga naming gawin 'yung ganu'n. parang kung anong mahanap mong object dyan. Kunwari mayroon kang tsinelas, puwede mo siyang gawing instrument.
“Isa sa mga gusto naming gawin ay patunayan na you can make music with anything that you can find,” pahayag ni Miguel Guico nang makapanayam ng 24 Oras ang Ben&Ben.
Dagdag pa ni Andrew de Pano, “'Yung home tours kasi ay isang way that we can still feel like we're touring pero around the house nga lang muna. Paiba-iba ng venue, paiba-iba ng instruments pero dito muna sa loob ng bahay.
“I think we're doing this alongside other artists from Southeast Asia.”
Samantala, matapos ang collaboration kay Gary Valenciano, ibinahagi rin nila ang mga nais pa nilang maka-collab.
“Collab with Southeast Asian acts at tsaka mga K-pop acts din. Dream big 'di ba. Tsaka ang isa sa mga I think buddies namin sa music ngayon ay 'yung SB19.
“Isa sa mga super lapit sa puso namin 'yung music nila 'yung Day6. So, possibly Day6,” lahad naman ni Paolo Guico.