
Napatunayan ng Kapuso comedian na si Betong Sumaya ang kabaitan ng kanyang The Gift co-star na si Alden Richards.
Sa Instagram post ni Betong noong September 3, sinabi niyang "blessing" ang turing niya sa Asia's Multimedia Star.
Sa parehong post, pinasalamatan din ni Kapuso comedian si Alden sa pagpayag nito sa isang pabor na kanyang hiningi.
"Ty sa pagpayag ha, alam mo na yun, hehehe," sulat ni Betong sa kanyang caption.
Ang tinutukoy ni Betong ay ang pagpayag ni Alden na maging guest sa kanyang first major concert, na pinamagatang Betong's Amazing Concert: Try Ko Lang Ha?, sa November 21 sa Music Museum.
Ngayong Martes, October 22, ikinuwento ni Betong sa media conference ng kanyang upcoming concert kung paano niya niligawan si Alden para maging parte nito.
"Actually, no'ng sinabi ko nga sa kanya, hiyang-hiya ako.
"Sabi ko, baka masyadong busy itong tao na 'to pero siya po 'yung nagsabi sa 'kin na, 'O sige, iche-check natin 'yan basta para sa 'yo, gagawin natin kahit na walang bayad.'"
Biro pa ni Betong, "Medyo ihuhuli po natin si Alden kasi baka po kapag nauna si Alden, baka wala nang tao."
Bukod kay Alden, kabilang din sa star-studded guest list ng first major concert ni Betong sina Dingdong Dantes, Miguel Tanfelix, Jeric Gonzales, Arthur Solinap, Patricia Javier, Maricris Garcia, Maey Bautista, Chuckie Dreyfuss, Carlo Gonzalez, Anthony Rosaldo, at Aicelle Santos.
Magpe-perform din ang Bubble Gang co-stars ni Betong na sina Michael V., Chariz Solomon, Valeen Montenegro, at Lovely Abella.
Ang Betong's Amazing Concert: Try Ko Lang Ha? ay ipo-prodyus ng Michael Angelo Productions at Make It Happen Media Production in partnership with GMA Artist Center.
LOOK: Betong Sumaya receives first recognition at the Best Choice Achievement Awards 2019