
Sa pagbisita ni Bianca Gonzalez sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Martes, March 4, bilang isang content creator ay hindi niya maiwasang magbasa ng mga komento ng bashers online.
Sa naturang Afternoon Prime talk show ay ibinahagi ni Bianca na 2003 pa lang nagsimula na siyang mag-blog online. Kaya naman tinawag siya ni King of Talk Boy Abunda bilang isa sa mga OG (original) digital creators.
Pag-amin ni Bianca, ibang-iba ang pagiging isang digital ccreator noon kumpara ngayon, lalo na at puwede na raw maging lehitimong negosyo ang paggawa ng content sa social media. Sinabi rin ng batikang host na wala naman bashers noon kaya ang tanong ni Boy, “How do you handle bashers today?”
“Ngayon, ano ako, nagbabasa ako ng Tweets. Lahat binabasa ko, hindi ko nga alam bakit ginagawa ko sa sarili ko 'yun. Binabasa ko lahat, hindi ako nagba-block,” sabi ni Bianca.
Paliwanag ni Bianca ay gusto niya na maging balanse ang mga nababasa niyang magaganda at hindi gaanong magaganda na komento online. Aniya, minsan ay mayroon namang magandang punto ang mga negatibong komento.
Ngunit inamin din ni Bianca, “Meron din talagang galit lang.”
TINGNAN ANG ILAN SA MGA BEST REACTION NG CELEBRITIES SA KANILANG BASHERS SA GALLERY NA ITO:
Tinanong din ni Boy kung hindi ba ito nagdudulot ng “intense negativity” sa kaniya? Pag-amin ni Bianca, kahit na nagbabasa siya ay madalas hindi niya sinasagot ang mga ito. Pero paminsan-minsan, sumasagot siya sa mga negatibong komento.
“Actually, ang huli kong sinagot, related sa 'Pinoy Big Brother'. Minura kami! Minura kami kasi, ang dami, mga tatlong mura sa post niya. Tapos nag-reply lang ako na 'Hindi dahil hindi pabor sa'yo 'yung kuwento na napanood mo, puwede mo na kaming murahin,'” pagbabahagi ng batikang host.
Saad ni Bianca ay binura din ng netizen ang tweet nito sa X (dating Twitter) matapos siyang sagutin at awayin ng ibang netizens sa naturang social media site. Nag-sorry din daw ito pagkatapos ng kanilang interaksyon.