
Matapos ang ilang taon, nagbabalik-telebisyon ang aktres na si Bianca King.
Sa pagbabalik niya sa acting, isa sa unang proyekto niya ang pagbibigay-buhay sa kuwento ng content creator na si Jana Berenguer sa real-life drama anthology na Magpakailanman.
Si Jana ay isang solo parent na nag-aalaga sa anak niyang may cerebral palsy.
Ibinabagi niya sa kanyang vlogs ang iba't ibang experiences at challenges nila ng anak niyang si Alonzo.
"After ko nga malaman kung ano 'yung kwento niya when I watched all her vlogs, I was like, wala akong karapatan magreklamo bilang isang ina. Kung ano man 'yung pinagdadaanan ko bilang isang ina, it's nothing compared to the experience of Jana," kuwento ni Bianca.
Image Source: bianca_king (IG), janaberenguer (IG)
Matatandaang nakabase sa Australia si Bianca at kanyang pamilya simula noong COVID-19 pandemic.
Unti-unti na daw silang nagkakapag-adjust sa pag-relocate nila sa Pilipinas.
"Nandoon lang ako sa mindset na 'yung letting go and having other people, having my village help me take care of child when I have to work," lahad ni Bianca.
Pinakamasaya naman daw sa kanilang pagbabalik sa bansa ang three-year-old daughter niyang si Sadie.
"Gustong gusto niya, actually, na maraming taong nakapaligid sa kanya kasi naiiba siya doon sa buhay namin na kaming dalawa lang 24/7. Of course, her dad is around pero when her dad is working talagang me and you against the world--kaming dalawa lang. But now, may yaya, may mga tita, may mga friends, mga ninang all around," paliwanag ng aktres.
Abangan si Bianca King sa brand-new episode na "Unconditional Love," February 21, 8:15 p.m. sa Magpakailanman.
Naka-livestream din nang sabay ang episode sa GMA Play, ang official streaming app ng GMA Network.
I-download ang GMA Play sa Apple App Store at Google Play.
Available din ito sa GMANetwork.com/GMAPlay at sa mga Android TV.
Panoorin din ang buong ulat ni Nelson Canlas para sa 24 Oras sa video sa itaas.