Sabay nakaranas ng heartbreak kaya sabay rin ang pagmo-move on. Ganito ang magiging takbo ng kuwentuwaang pagbibidahan nina Bianca Umali at Miguel Tanfelix sa Dear Uge ngayong Linggo, September 4.
Parehong araw nang makipaghiwalay kina Heart (Bianca) at Brix (Miguel) sa mga partner nilang sina Daniel (Kyle Vergara) at Catherine (Alyssa De Real). Sa parehong araw din na ‘yun ay magtatagpo ang kanilang landas at makakahanap sila ng karamay sa isa’t isa.
Hindi man nagkakilala sa maiksing tagpo na 'yun, at nasa magkaibang lugar man, magkasabay na susubukan nina Heart at Brix na mag-move on. Hindi nila alam, pareho pala nilang sinusundan ang isang blog na magtuturo sa kanila kung paano makalimot, hindi na masaktan at mabuong muli.
Ngunit paano kung sa kanilang pagmo-move on ay muli nilang makita ang kanilang mga ex? May aasa kaya for a second chance o bubuksan nila ang kanilang puso para sa isa’t isa naman? Paano nga ba mag-move on, Dear Uge?
Alamin ang kasagutan sa lahat ng ‘yan ngayong Linggo, September 4, sa Dear Uge, pagkatapos ng Sunday PinaSaya.