
Ginarawan sina Bianca Umali at Miguel Tanfelix sa kagaganap lamang na 51st Box Office Entertainment Awards ng Guillermo Mendoza Memorial Scholarship Foundation.
Pormal silang pinarangalan bilang "Most Popular Loveteam for Television" noong Linggo, October 18, sa virtual awarding ceremony ng annual entertainment award-giving body na maaaring mapanood sa Facebook.
March 15, 2020 ang orihinal na petsa kung kailan nakatakdang ganapin ang 51st Box Office Entertainment Awards ngunit na-reschedule ito sanhi ng coronavirus pandemic restrictions.
Nasungkit nina Bianca at Miguel ang titulong "Most Popular Loveteam for Television" para sa kanilang pagganap sa 2019 GMA drama series na Sahaya. Ito ay mula sa direksyon ni Zig Dulay.
Ang Sahaya ay tungkol sa isang dalagang Badjaw na mayroong koneksyon sa dagat. Lumaki siyang mabait, maganda, at matalino kaya naman nagkagusto sa kanya ang kanyang kababata. Marami siyang pinagdaanang pagsubok hanggang sa napadpad siya sa Maynila.
Sa bagong yugto na ito sa buhay ni Sahaya ay napilitan siyang makibagay sa mga taong hindi niya kilala at sa pamumuhay na iba sa kinalakihan niya.
Maaaring mapanood ang full episodes ng serye sa GMANetwork.com o GMA Network app.