
Tila magbabalik na si Encantadia Chronicles: Sang'gre star Bianca Umali bilang si “Ateng Tagapaglinis” sa loob ng Bahay ni Kuya. Pinuna kasi ni Kuya kamakailan lang ang pagiging magulo at makalat ng kaniyang bahay.
Sa Thursday episode ng Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition 2.0, pinakita ni Kuya sa big screen ang magulo at makalat na kuwarto ng boys at girls, bago kinausap ang kaniyang celebrity teen housemates.
“Dahil na nakikita ko nitong mga nakaraang araw, ito ay magulo, makalat, at tila walang pagmamahal at respeto. Nakalimutan ninyo na ang bahay na ito ay tahanan din natin. Sa puntong ito, gusto kong pumili kayo ng dalawang babae at dalawang lalaki na sa tingin ninyo ay may pinakamataas na disiplina pagdating sa kalinisan,” sabi ni Kuya sa kaniyang housemates.
Ipinost din ng GMA Network ang naturang eksena sa Instagram na may caption na, “Disappointed si Kuya sa estado ng kaniyang bahay.”
Sa comments section ay tinawag ni Bianca ang pansin ni Kuya, at sinabing handa siyang magbalik sa loob ng bahay bilang si “Ateng Tagapaglinis” at inalok ang serbisyo niyang 24/7.
“KUYA, open po ang 'Ateng Tagapaglinis' services 24/7 para sa bahay mo… Stressed sa kalat? TAWAG NA!” post nito.
Source: gmanetwork/IG
Matatandaan na naging houseguest si Bianca sa Bahay ni Kuya sa unang season ng collaboration serye ng totoong buhay. Doon ay pinuri siya ng netizens sa pagiging masipag at responsable. Hinangaan din ng ilan ang kaniyang galing sa pagkumpleto ng kanilang tasks.
Nag-viral din ang video ni Bianca na naglilinis at nagliligpit ng mga kwarto ng mga boys. Sa X (dating Twitter), umabot pa noon ng mahigit 700,000 views at 20,000 likes ang naturang clip.
Puno rin ng paghanga ang kaniyang boyfriend na si Ruru Madrid, binansagan pa siyang “asawa material.”
Muli na nga kayang mapapanood si Bianca sa loob ng Bahay ni Kuya bilang isang houseguest? Abangan sa Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition 2.0 Lunes hanggang Biyernes, 9:40 p.m., tuwing sabado ng 6:15 p.m., at tuwing Linggo ng 10:05 p.m.
SAMANTALA, TINGNAN ANG RELAXING TRIP NI BIANCA SA BALI, INDONESIA SA GALLERY NA ITO: