
Matagumpay ang naging pagtatapos ng number one romance fantasy drama on Philippine primetime na The Write One.
Isang taon ang ginugol ng lead stars nitong sina Ruru Madrid at Bianca Umali para sa serye. Ito rin ang unang beses na nagkatrabaho ang dalawa sa isang proyekto sa kabila ng pagiging isang real life couple.
Source: bianxa (IG)
Ayon kay Bianca, masaya siya na makita si Ruru bilang co-actor dahil isa itong side na hindi pa niya nakikita sa nobyo.
Sa pagtatapos ng serye, lalo pa raw napahanga si Bianca kay Ruru bilang isang aktor at bilang isang tao.
"Hindi natin kailanman hinangad na magkatrabaho tayo pero ito tayo ngayon at nakatapos na ng isang proyekto. Napabilib mo ako. Hinahangaan kita lalo. Maraming salamat sa 'yo at sa lahat ng mga natutunan ko kasama ka. Isang karangalan ang makatrabaho ka. Itong pagkakataon na ito ay isang napakagandang simula para sa ating dalawa at panigurado hindi ito ang huli," sulat ni Bianca sa Instagram.
Bukod dito, nagpasalamat din si Bianca sa lahat ng sumuporta sa The Write One.
"Sa inyo, mga Kapuso, for the love and support for us and for the show, THANK YOU. Kayo ang inspirasyon namin. Mahal namin kayo. Au revoir, #TheWriteOne Hanggang sa muli," pagtatapos ng kanyang post.
Matapos ang The Write One, maraming projects ang nakapila para kina Ruru at Bianca.
May pelikula si Ruru kasama si Yassi Pressman na pinamagatang Video City. Naghahanda na rin siya para sa ikalawang season ng Lolong at magiging bahagi rin siya ng upcoming action series na Black Rider.
Si Bianca naman, nakatakda rin na sumabak sa panibagong action-packed teleserye ngunit wala pa itong detalye liban sa arnis training ng aktres.
Simula Lunes, May 29, mapapanood sa dating timeslot ng The Write One ang Unbreak My Heart--ang groundbreaking teleserye na pagsasanib-puwersa ng GMA Network, ABS-CBN at Viu Philippines at pagbibidahan nina Joshua Garcia, Gabbi Garcia, Richard Yap, at Jodi Sta. Maria.