
Ilang linggo na lang ay mapapanood na ang Encantadia Chronicles: Sang'gre. Kaya naman, excited na ang isa sa mga bagong Sang'gre nito na si Bianca Umali na mapanood ng mga tao at Encantadiks ang kanilang bagong serye.
Pagbabahagi ni Bianca sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Huwebes, May 29, halo-halong emosyon ang nararamdaman niya at ng kanyang co-stars sa nalalapit na premiere ng kanilang serye.
“Excited kami na sa wakas ay maipalabas na at mapanood ng mga Kapuso at ng Encantadiks ang mundo ng Encantadia dahil napakarami pong literal na dugo at pawis ang binuhos po namin dito,” sabi ni Bianca.
Ngunit bago pa mag-umpisa ang bagong yugto ng mga Sang'gre, may mensahe muna ang OG na Hara Danaya na si Diana Zubiri para sa tagapagmana ng brilyante ng lupa.
“Avisala, Bianca! Alam mo, mapalad tayo at naging parte tayo ng Encantadia. Kaya naman ang maasabi ko lang, sana ipagpatuloy natin at pahalagahan ang magandang pamana ng GMA-7 sa kasaysayan ng Philippine television. Avisala at maligayang pagdating, Terra!” sabi nito sa isang video greeting.
Samantala, inamin naman ni Bianca na tuwing nakikita niya si Diana ay tila nakakaramdam siya ng kuryente sa buo niyang katawan.
"Miss Diana, hinding hindi ko po kayo bibiguin as one of your successors ng Brilyante ng Lupa. Aalagaan ko po ito nang buong buo gamit ang aking puso," sabi ni Bianca.
TINGNAN KUNG PAPAANO NAGBIGAY PUGAY ANG MGA ORIHINAL NA SANG'GRE SA IKA-20 ANIBERSARYO NG 'ENCANTADIA' SA GALLERY NA ITO:
Samantala, tinanong din ni Boy Abunda kung sino kina Bianca at Terra, ang karakter na ginagampanan niya sa Sang'gre, ang mas matapang. Ayon sa aktres, magkaiba ang kanilang tapang.
“Magkaiba 'yung tapang nila kasi si Bianca, masasabi ko, ang tapang ni Bianca ay tapang ng utak. Si Terra, ang meron siya, tapang ng puso. And those are two different kinds of intelligences,” sabi ni Bianca.