
Dahil sa success at labis na suportang natatanggap ng hit GMA superserye na Encantadia Chronicles: Sang'gre mula sa fans at viewers, marami na ang nagtatanong kung extended nga ba ang show.
Sa pagbisita sa Unang Hirit ngayong Miyerkules (September 17), sinagot ng new-gen Sang'gre na si Bianca Umali kasama sina Kelvin Miranda at Angel Guardian kung totoong extended ba ang Sang'gre.
Nakangiting sagot ni Bianca, "We cannot go into detail, pero siguro ngayon namin masasabi na mayroon na pong panibagong yugto."
Ipinarating din ni Bianca ang mga dapat na abangan sa Sang'gre ngayong magkakasama na ang apat na itinakdang tagapangalaga ng mga Brilyante na sina Terra (Bianca Umali), Adamus (Kelvin Miranda), Flamarra (Faith Da Silva), at Deia (Angel Guardian).
"Napakarami. Kasi ngayon sa mapapanood po ninyo ay magsisimula na po kaming sanayin para maging talagang ganap na tagapangalaga ng mga Brilyante," sabi ni Bianca.
Bukod dito, ani Bianca, marami ring aksyon na dapat na abangan.
Patuloy na subaybayan ang Encantadia Chronicles: Sang'gre, 8:00 p.m. sa GMA Prime at 9:45 p.m. sa GTV.
KILALANIN ANG CAST NG ENCANTADIA CHRONICLES: SANG'GRE SA GALLERY NA ITO: