
Masaya at labis ang pasasalamat ni Bianca Umali na nakasama ang kanyang mga tagahanga, ang BBLabsOfc, kamakailan.
Mismong fans ng Encantadia Chronicles: Sang'gre actress ang nagsagawa ng event para sa aktres.
Sa instagram, ipinakita ng bblabs_ofc ang ilan sa nangyari sa kanilang espesyal na pagsasama-sama, kung saan mapapanood ang masayang interaksyon ni Bianca sa kanyang fans.
"A day filled with smiles, laughter, and unforgettable memories--Bianca Umali truly made it extra special," sulat ng bblabs_ofc sa kanilang post.
Sa kanyang social media accounts, ipinarating naman ni Bianca ang pasasalamat at pagmamahal sa kanyang fans.
"Salamat sa bawat mensahe, sa bawat panalangin, sa bawat oras na pinili n'yong samahan ako sa journey ko. Hindi madali ang lahat, pero sa tuwing napapagod ako, kayo ang nagpapalakas ng loob ko. Kayo ang paalala na may dahilan kung bakit ko ginagawa 'to--hindi lang para sa sarili ko, kundi para rin sa inyo," sulat ni Bianca.
Pagpapatuloy niya, "Hindi kayo basta basta lang sa akin… kayo ang mga mahal ko - my BBLABS - kayo ang pamilya kong pinili ako kahit hindi niyo naman kailangang piliin. Sa bawat yakap, ngiti, at sigaw ng suporta--ramdam na ramdam ko ang pagmamahal n'yo.
"Wala ako sa kinaroroonan ko kung hindi dahil sa inyo."
Sinabi rin ng aktres ang kanyang hangarin para sa mga tagahanga.
"Na sana sa lahat ng binibigay ninyong pagmamahal, kahit kaunti… naibabalik ko rin. Kahit kailan, hindi ko kayo nakakalimutan. Hindi ko kayo binabalewala. At hinding-hindi ko kayo bibitawan. Mahal na mahal ko kayo--more than words can ever say."
Samantala, abangan si Bianca bilang Terra sa Encantadia Chronicles: Sang'gre, 8:00 p.m. sa GMA Prime at 9:40 p.m. sa GTV.
MAS KILALANIN SI BIANCA UMALI SA GALLERY NA ITO: