
Ngayong linggo, matutunghayan na ng Kapuso viewers ang simula ng istorya ni Terra bilang tagapagligtas ng kanyang bayan at ng mundo ng Encantadia!
Sa inilabas na teaser ng Encantadia Chronicles: Sang'gre, makikita na ang unang pagsasanay ni Terra at ang paggising ng kanyang natatagong kapangyarihan.
Isa sa pinakahihintay ng Encantadiks ay ang paglabas ni Bianca Umali sa GMA superserye.
Sa panayam ng Kapuso actress kay Aubrey Carampel para sa , inamin niyang sabik na rin siyang mapanood muli ang sarili sa telebisyon.
"Sa totoo lang ako rin, 'di na rin makapaghintay na mapanood ko ang sarili ko sa TV ulit. But kahit wala pa ako regardless I am truly very grateful sa suporta ng Encantadiks, mga Kapuso, this far in the story," ani Bianca.
Dagdag ng aktres, naiintindihan niya ang sari-saring reaksyon ng fans. "Sa lahat ng nangyayari ngayon, tiwala lang. Napaka-ganda po ng patutunguhan ng aming kuwento at hindi naman din po namin ito paghihirapan na gawin kung alam namin na hindi maganda ang ilalabas namin."
Maliban sa mga komento ng netizens, labis rin ang papuri ni Bianca sa batang Terra na ginagampanan ni Juharra Asayo.
"Napa-double look ako sabi ko, 'Ang galing!' Ang galing kasi nakita nila na may resemblance kami," kwento ng Kapuso actress.
"Malaking factor sa akin na 'yung mga young e talagang hindi maikakaila na paglaki, ito siyang karakter siya. The way that she's acting Terra out, pasok na pasok sa kung ano 'yung mga dapat pagdaanan ni Terra na bata pa siya at kung bakit siya tatapang at buo 'yung loob niya na maging tagapagligtas."
Samantala, tuwang-tuwa rin si Juharra sa mainit na suporta ng fans at sa papuri mula sa kanyang Ate Bianca.
"Ang ganda po ni Ate Bianca. I mean nakaka-shock po 'yung beauty niya. Nagpapasalamat po 'ko kasi ang daming nagsasabi na kamukha ko siya. Receiving na compliment galing sa kanya, thankful po ako at tsaka nakakalambot po ng puso," sabi niya.
Inaamin ni Juharra na very challenging gampanan ang batang Terra. Kaya naman masaya siya sa positive feedbacks ng Encantadiks.
Huwag palampasin ang mga kaabang-abang na tagpong ito sa Encantadia Chronicles: Sang'gre, 8:00 p.m. sa GMA Prime at 9:40 p.m. sa GTV.
Mapapanood din ito via Kapuso Stream sa official Facebook account at YouTube ng GMA Network.
Maaari ring panoorin ang full episodes sa GMANetwork.com/Sanggre.
KILALANIN ANG CAST NG ENCANTADIA CHRONICLES: SANG'GRE SA GALLERY NA ITO: