
Kabilang ang Kapuso hosts na sina Boobay at Tekla sa mga kilalang personalidad pagdating sa paghahatid ng saya sa mga tao sa pamamagitan ng komedya.
Kasalukuyang silang napapanood sa late-night comedy program na TBATS On The Go! kung saan sila mismo ang pumupunta sa iba't ibang lugar para makapagpasaya at makipagkulitan sa mga Ka-TBATS.
Sa panayam ng GMANetwork.com kina Boobay at Tekla, ikinuwento ng dalawa kung papaano nag-grow ang kanilang on and off-cam bond sa loob ng halos walong taon.
"Siguro mas nag-mature kami sa mga decisions namin sa life," pagbabahagi ni Boobay.
Dagdag ni Tekla, "'Yun nga, maturity. Kailangan walang bida-bida."
Ayon pa kay Boobay, in-e-enjoy nila ang bawat araw na sila'y nakapagbibigay ng saya sa mga manonood at nagbabahagi pa sila sa isa't isa ng kanilang kaalaman tungkol sa komedya.
"Parang hindi pumasok sa amin 'yung kompetisyon. Walang kompetisyon, ganyan. In-e-enjoy lang namin bawat episode," ani Boobay.
Patuloy ni Tekla, "Para makapag-work nang maayos."
"Nag-i-impart kami sa isa't isa ng mga kung ano'ng alam namin about sa pagpapasaya," dagdag ni Boobay.
Bukod dito, labis din ang naging pagbabago sa buhay ng comedy duo magmula nang magkaroon ng kanilang sariling programa.
Ani Boobay, "Sobra ang naging pagbabago ng buhay namin simula ng nag-The Boobay and Tekla Show, as in."
"Bakit nagbago ang buhay? kasi bihira pong magkaroon ng show na nakalagay ang pangalan mo. So parang ID mo na 'yon, identity. One of your credentials," ani Tekla.
Related content: Boobay at Tekla, thankful sa suporta ng viewers