
Nagsalita na ang Kapuso host at comedian na si Boobay tungkol sa nangyari sa kanya sa naganap na town fiesta sa Aparri, Cagayan noong May 7.
Sa livestream ng Facebook page ni Vice Mayor Rene Chan, napanood ang pag-perform ng The Boobay and Tekla Show host kasama ang kapwa komedyante na si Pepita Curtis nang mangyari ang insidente.
Biglang napatigil si Boobay sa kanyang pagkanta habang nakatutok kay Pepita Curtis ang camera. Matapos ang ilang segundo ay natumba si Boobay at agad siyang tinulungan nina Pepita at iba pang staff members.
Sandaling nag-cut ang livestream ng event at nang bumalik ito ay nagpe-perform na muli si Boobay sa stage kasama si Pepita.
Sa video na inilabas sa The Boobay and Tekla Show Facebook page, nilinaw ng komedyante ang dahilan kung bakit siya hinimatay sa event.
“Hello po mga Kapuso, si Boobay po ito. Gusto ko lang po iparating sa inyong lahat na ako po ay okay na okay at nais ko lamang pong pasalamatan ang ating mga minamahal na Kapuso, kamag-anak, mga kaibigan na nag-alala. Don't worry dahil here I am, Boobay, buhay na buhay and ready to fight. Ayun nga po, tayo po ay hinimatay dahil lamang po sa malakas na ilaw po pero huwag kayong mag-alala dahil after po no'n ay naituloy pa rin po namin at napasaya pa rin po namin ang ating mga minamahal na mga kababayan at Kapuso sa Aparri.
“Kaya naman po Happy 344th founding anniversary po sa Aparri and see you again soon. I love you all,” aniya.
Subaybayan ang The Boobay and Tekla Show tuwing Linggo, 10:05 p.m., sa GMA, Pinoy Hits, at Kapuso Stream. Mapapanood din ang programa sa GTV sa oras na 11:05 p.m.