
Nakahanap ng katapat si Boobay sa kanyang pagsusungit sa Celebrity Bluff nang mag-guest dito ang aktres na si Eula Valdez.
Nitong Sabado, November 7, muling napanood sina Eugene, Jose Manalo, Boobay at Brod Pete sa all-original Pinoy comedy game show na Celebrity Bluff.
Ang celebrity players na naki-“Fact or Bluff,” binubuo ng fierce female celebrities. Team Super Ladies sina Eula at Liza Dino, Team Super Mommies sina Ara Mina at Karel Marquez, at Team Super Moms naman sina Katrina Halili at LJ Moreno.
Nakatikim din si Boobay ng pagtataray ni Eula nang hamunin nang komediyante ang aktres.
Ani Boobay, hindi raw siya natatakot kay Eula dahil wala daw itong kasamang bantay. At nang muli silang magkasagutan ay nanindigan pa rin ang komediyante.
Wika niya, “I'm not afraid also because I was born brave. Heto Miss Uge, 'yung komadrona nga ng nanay ko na nagpanganak sa akin, natadyakan ko, sila pa kaya.”
Hirit naman ni Eula, “Ganun talaga 'yun eh. Merong mga taong buo ang loob pero wasak ang mukha.”
Nakatanggap ng mas malakas na reaksyon ang sagot na ito ng aktres kaya't natahimik si Boobay.
Emosyonal siyang tumugon, “It's okay, I can handle this Miss Uge. Miss Eula, wala namang personalan. 'Yung mga biru-biruang ganyan 'wag mong pinepersonal kasi.. 'wag naman ganyan, nagbibiro lang 'yung tao.”
Saan kaya mauuwi ang kanilang komprontasyon? Panoorin ang buong video ng November 7 episode sa itaas.