
Habang patuloy na umaangat ang bagong karera ni Jeni (Zephanie) sa tulong ni Coach Vanna (Sheryl Cruz), pilit naman siyang ibinabagsak ni Dara (Vina Morales).
Sa katunayan, inudyukan pa nga ng huli si Monica (Roselle Nava) at ang Astra M na pigilan ang karera ng dalaga.
Matapos matanggal sa P-Pop girl group na YUMI, inalok ni Vanna si Jeni na maging isang solo artist. Kahit marami pa ring bashers, hindi nagpadaig si Jeni at patuloy na ipinaparinig ang boses.
Ngunit si Dara, hindi papayag na muling makabangon sina Jeni at ang ina nitong si Minchie (Manilyn Reynes). Kaya ginagawa niya ang lahat ng paraan para masira lalo ang young singer.
Una, sinabihan niya si Monica na pigilan nito ang pag-launch kay Jeni bilang isang solo artist. Tinakot pa niya ang may ari ng Astra M na hindi magiging maganda ang epekto sa kumpanya at sa kaniya kung maging matagumpay si Jeni sa bagong chapter ng kaniyang karera.
Kamakailan lang, isang music producer ang inimbitahan ni Vanna para i-audition si Jeni at mabigyan ng kontrata. Masayang-masaya at bilib din ang music producer sa kakayahan at talento ng young singer. Ngunit sa kasamaang palad, hindi nila nila tinanggap si Jeni dahil sa mga isyung umiikot sa dalaga.
BALIKAN ANG SPARKLING SHOWBIZ CAREER NI ZEPHANIE, NA GUMAGANAP SA KARAKTER NI JENI, SA GALLERY NA ITO:
Ayon sa music producer, mahihirapan silang i-promote si Jeni lalo na kung hindi pa siya tanggap ng mga tao. Sa pag-alis nina Vanna at Jeni, sinabi ng music producer sa kararating lang na si Dara na sinunod lang niya ang pinag-utos nito.
Bago pa nito, noong malaman ni Dara na kinuha ni Vanna si Jeni, pinuntahan na niya ang dating kaibigan para tanungin kung sigurado ba ito sa ginawa. Sabi ng Diamond Diva, ikasisira lang ng kaibigan ang pagkuha sa young singer bilang protégé niya.
Mahanap pa kaya ni Jeni ang tamang entabaldo para sa kaniya para muling maiparinig ang tinig sa mga tao?
Subaybayan ang kwento ng pag-abot sa pangarap sa Born to Shine, Lunes hanggang Sabado, 2:30 p.m., sa GMA Afternoon Prime at Kapuso stream.