
Isang matinding sikreto ni Dara (Vina Morales) ang tila unti-unti nang mabubulgar sa Born to Shine!
Kamakailan ay ipinakilala na ang asawa ni Coach Vanna Grande (Sheryl Cruz) na si Freddie Grande (Christian Vasquez), ang namamahala ng Engrande Music, isa sa mga malalaking music production company ng bansa.
Ngunit sa likod ng successful na music production company owner at loving husband, may itinatago pa lang sikreto si Freddie—ang relasyon nila ni Dara.
Sa mga nagdaang episode, makikitang pinuntahan ni Freddie si Dara sa isang hotel. Dito, ipinaalala ng music producer ang nakaraan nila ng Diamond Diva, na siya naman talaga ang karelasyon nito bago pa ikinasal kay Dio (Rayver Cruz).
At ngayon na wala na si Dio, tila gusto ni Freddie na bumalik sila sa dati at palihim na nagkikita sa iba't ibang lugar katulad ng hotel.
BALIKAN ANG SALOOBIN NG ILANG CELEBRITIES TUNGKOL SA ALLEGED CHEATING ISSUE SA GALLERY NA ITO:
Sa kabilang banda, sinasabi naman ni Dara na dapat na nilang itigil ang palihim nilang pagkikita lalo na at malapit niyang kaibigan si Vanna. Hindi rin daw niya maaatim na malaman ng inaanak niya, ang anak nina Freddie at Vanna, ang kanilang ginagawa.
Ngunit bago pa man ito mahinto, tila mabubulgar na ang tinatago nilang sikreto. Sa episode kasi nitong August 10 at 11, muntik nang madiskubre ni Minchie (Manilyn Reynes) na magkasama ang dalawa.
Habang naglalakad kasi sa hallway si Freddie, nahulog niya ang sunglasses na naiwan ni Dara sa kanilang pagkikita. Dahil gusto itong maibalik, sinundan ni Minchie si Freddie hanggang sa banyo ng mga babae, kung saan nagtatago sila ni Dara.
Pilit kinakausap ni Minchie si Freddie sa likod ng saradong cubicle kung saan kasama niya si Dara at para hindi mahuli, hindi siya sumasagot. Ngunit dahil kinailangan magbanyo ni Minchie, nakahanap ng pagkakataon si Freddie na lumabas kaya ang nakita lang niya sa cubicle ay si Dara.
Sa hiwalay na pagkakataon, pilit tinatawagan ni Dara si Freddie para pigilan siyang i-produce ang solo album ni Jeni (Zephanie). At ang phone, naiwan sa dressing room kung saan naroon sina Jeni at Vanna, na muntik nang sagutin ang tawag ni Dara.
Buti na lang ay dumating kaagad si Freddie at nasagot ang tawag niya kaya patuloy pa rin nilang naitago ang kanilang relasyon.
Hanggang saan nila maitatago ito, at ano ang magiging consequences ng kanilang mga ginagawa sa kanilang personal na buhay? Subaybayan ang kwento ng pag-abot sa pangarap sa Born to Shine, Lunes hanggang Sabado, 2:30 p.m., sa GMA Afternoon Prime at Kapuso stream.