
Matapos ang matinding away at banggaan nina Jeni (Zephanie) at Megan (Olive May) sa Born to Shine, nagkabati na rin ang dalawang miyembro ng Yumi!
Matatandaan na nitong nakaraang episodes ay nalagay sa panganib ang buhay ng dalawa matapos pagtangkaan na nakawan ang kwarto nina Megan. Kasama niya noon si Jeni dahil may kailangan silang pag-usapan nang madiskubre ang mga magnanakaw sa kwarto.
Ngunit bago pa sila nakatakas ay naharangan na sila ng dalawang magnanakaw at pilit kinuha ang lahat ng mahahalagang bagay sa kwarto, kasama na ang kwintas ni Megan na galing sa ama na si Dio (Rayver Cruz).
Dahil importante para kay Megan ang kwintas, pilit na kinuha ito ni Jeni pabalik, dahilan para masaksak siya at unti-unting manghina. Kaya naman, kahit pa pilit nang pinapalaya ng mga magnanakaw si Megan, pinili nitong manatili dahil hindi niya umanong kayang iwan ang kagrupo.
Sa halip, nakapagkuwentuhan sila tungkol sa kani-kanilang mga ama, sina Perry (Smokey Manaloto) at Dio, kung saan napagtanto ni Megan na pareho lang sila ni Jeni na mahal na mahal ang mga magulang.
Hindi nagtagal ay nailigtas din ang dalawa at dinala agad si Jeni sa ospital para magamot. Habang si Megan ay may matinding guilt sa nangyari kay Jeni dahil sa kaniya. Kaya naman, kahit na kailangan niyang magpahinga, nanatili si Megan sa ospital para masiguradong makakausap si Jeni.
Kaya naman, nang magising si Jeni, mabilis na lumapit si Megan para muling magpasalamat at humingi ng sorry sa kagrupo, bago nakipagkaibigan. Mula sa pagiging mataray, inggitin, at pagsasabotahe, sa wakas ay naging magkaibigan na ang dalawang miyembro ng Yumi.
Samantala, ipinahayag naman ni Perry ang kaniyang saya at bilib sa dalawang bata dahil sa pagbabati at pagkakaibigan na nabuo nila. Kaya naman, hiling niya, sana ang mga nanay nilang sina Minchie (Manilyn Reynes) at Dara (Vina Morales) ay magkabati na rin.
Subaybayan ang kwento ng pag-abot sa pangarap sa Born to Shine, Lunes hanggang Sabado, 2:30 p.m., sa GMA Afternoon Prime at Kapuso stream.
TINGNAN ANG BEHIND-THE-SCENES SA 'BORN TO SHINE' PICTORIAL SA GALLERY NA ITO: