
Naiiba umano ang bagong seryeng Born To Shine, kung saan bahagi sina Manilyn Reynes at Smokey Manaloto.
Isa raw sa mga dapat abangan sa serye ay ang kaunting pasilip sa likod ng pagiging isang artista.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Huwebes, March 5, ibinahagi nina Manilyn at Smokey kung ano ang pinaka-exciting sa kuwento ng kanilang upcoming GMA Afternoon Prime series.
“Ang dami kasing twists and turns ng kwento. Kuwento ito ng mga pangarap. Kuwento ito ng success at kabiguan, paglagapak, pagbangon muli,” pagbabahagi ni Manilyn.
Higit sa lahat, sabi ni Smokey, ito ay kwento ng pagmamahal.
Isa pa umanong dapat abangan, ayon kay Manilyn, “The show will allow [the audience] to get a glimpse of how it is to be a star. To become one, and how hard it is 'pag nandu'n ka na.”
“The sacrifice,” dagdag ni Smokey.
Tanong naman ni King of Talk Boy Abunda, “Ito ba ay tutuloy sa how it is to go down?”
“Of course, kasama 'yan lagi,” sabi ni Manilyn.
TINGNAN ANG ILANG BEHIND-THE-SCENES SA PHOTOSHOOT NG 'BORN TO SHINE' SA GALLERY NA ITO:
Makakasama nina Manilyn at Smokey sa Born to Shine sina Zephanie, Michael Sager, Olive May, Gaea Mischa, Mitzi Josh, Naya Ambi, at Miggs Cuaderno. Makakasama rin nila ang ilan sa mga iconic musical pillars ng showbiz tulad nina Vina Morales, Tina Paner, at Roselle Nava, at ang beteranang aktres na si Tessie Tomas.
Ayon kay Smokey, tila naging reunion project pa nga ito ng ilan sa mga artista.
“Nakakatuwa itong show na ito kasi in a way, para siyang nauuso ngayon na reunion of sorts,” sabi ni Smokey.
Matatandaan na bukod kina Manilyn at Smokey, galing din sa variety show ng dating Master Showman na si German Moreno na That's Entertainment sina Vina at Tina.
Panoorin ang panayam kina Manilyn at Smokey sa video sa itaas.