
Nagniningning ang tagumpay ng pinakabagong GMA Afternoon Prime musical drama na Born to Shine online! Nitong nakaraang linggo kasi, umabot na ng 30.1 million views ang videos ng serye mula sa pinagsamang Facebook at TikTok ng GMA Network at GMA Drama.
Sa katunayan, sa April 7 episode pa lamang kung saan unang napanood si Jeni, ang karakter na ginagampanan ni Zephanie, na umawit sa harap ng maraming tao ay umani na kaagad ng 3.5 million views mula sa GMA Drama Facebook page.
Samantala, ang eksena naman kung saan inanunsyo kung sino ang nanalo sa sinalihan ni Jeni na singing contest, umabot na ng 1.1 million views mula sa GMA Drama Facebook page.
BALIKAN ANG BEHIND THE SCENES NG TILA MINI CONCERT NA MEDIA CON NG 'BORN TO SHINE' SA GALLERY NA ITO:
Sa comments section ng dalawang videos, maraming netizens ang nagsabi na matagal na nilang hinintay ang mapanood si Jeni na kumanta sa harap ng maraming tao. Ang ilan, nagkomento pa nga na pinaiyak sila ng eksena.
“Ayannnn kasi kakahanap ng performance nya ...yan tuloy pinaiyak ka na,” komento ng isang netizen.
Sabi naman ng isa pa, “Lala napadaan lang napaiyak pako”
“Iyak is real ang galing m jeni, manilyn at smokey nagpadagdag sa pag iyak ko grabe,” sabi naman ng isang netizen.
Marami rin ang naghatid ng paghanga nila sa pag-arte nina Zephanie, Manilyn Reynes, at Smokey Manaloto. Gumaganap ang dalawa bilang mga magulang ni Jeni na sina Minchie at Perry.
“Pag may drama, gusto ko talaga si Smokey Manaloto, ang galing,” sabi ng netizen.
Komento naman ng isa pa, “Grabe ka Manilyn, nasasabay ako sa iyak mo”
Dagdag naman ng isa pa, “Ang galing pa rin ni Manilyn. Kuhang-kuha inis ko dati sa kanya tapos ngayon nakakadala naman sa iyak.”
“Nadala ako sa acting ni smoky at manilyn ayyy, tayo balahibo ko tapos ung boses lamig lamig,” sabi ng isa pang netizen.
Subaybayan ang kuwento ng pagtupad ng pangarap sa Born to Shine, Lunes hanggang Sabado, 2:30 p.m. sa GMA Afternoon Prime at sa Kapuso Stream.