
Mukhang magkakaroon na ng comeback ang singing girl group na Rosabellas sa Born to Shine!
Kahit anong iwas ni Minchie (Manilyn Reynes) sa pagkanta at sa nakaraan niya bilang miyembro ng Rosabellas, mukhang doon pa rin siya itinutulak ng tadhana lalo na at ilang beses na sila nagkakaharap ng dating kasamahan na si Dara (Vina Morales).
Idagdag pa ang pagpayag noon ni Dara na maging panauhin sa opening ng bar ng ikatlo nilang miyembro na si Charice (Tina Paner) na nagsimula ng unang pagkikita nila ni Minchie.
Noong nakaraang linggo kasi, nagkaroon muli ng komprontasyon sina Minchie at Dara sa isang event place kung saan binalikan nila ang kanilang mga nakaraan. Ipinaalala pa ni Dara sa dating kaibigan kung paano nito sinira anG relasyon niya noon kay Dio (Rayver Cruz) at muntik na sa pagkuha ng lead sa kanilang grupo.
GAYA NG ROSABELLAS, NAGING BAHAGI RIN NG TRIO SINGING GROUP SINA MANILYN AT TINA. KILALANIN ANG TRIPLETS SA GALLERY NA ITO:
Sa naturang event place, nakilala rin ni Minchi si Monica (Roselle Nava) na siyang nagma-manage ng Astra Music at ang producer ng paparating na concert ni Dara. Dahil tungkol sa kaniyang legacy ang concert ni Dara, gusto ni Monica na makasama ang orihinal na Rosabellas dito, kabilang na si Minchie.
Ayon kay Dara, wala namang problema kay Charice ngunit hindi niya kayang tanggapin si Minchie dahil sa mga kasalanan nito sa kaniya at kay Dio.
Matatandaan din na ilang beses nang nagkita sina Minchie at Amelia (Tessie Tomas) na dating manager nina Dara, Dio, at ng Rosabellas, na naging dahilan din ng pagkakatanggal ni Minchie sa grupo.
Kaya nang malaman ni Amelia na makakasama ni Dara si Minchie, lubos itong tumanggi, at sinabihan si Dara na huwag itong tanggapin. Ngunit dahil Astra Music ang producer ng P-Pop Camp na ginawa nila para kay Megan (Olive May) na anak niya, hindi siya basta makatanggi lang kay Monica.
At ngayong nagigipit si Minchie dahil sa investment scam na pinasok niya, maaaring mapilitan siyang tanggapin ang alok ni Monica na maging parte ulit ng Rosabellas.
Ito na nga ba ang inaabangang comeback ng Rosabellas? Abangang sa Born to Shine, Lunes hanggang Sabado, 2:30 p.m., sa GMA Afternoon Prime at Kapuso Stream.