
Tila naging isang reunion ng That's Entertainment regulars ang GMA Afternoon Prime musical drama series na Born to Shine ayon kay Vina Morales. Ilan kasi sa mga bida ng serye, tulad niya at nina Manilyn Reynes, Tina Paner, at Smokey Manaloto, galing sa naturang variety show.
Bukod sa kanila, nag-guest din ang ilan pang actor na nanggaling din sa show tulad nina Sheryl Cruz at Don Umali.
“Sabi ko nga, 'Ano ito, mga reunion ng That's Entertainment?' Kaya nga 'pag minsan, 'pag may dumadating na ibang mga kaeksena namin na which is minsan, karamihan, That's Entertainment, si Don Umali, 'Ano 'to? Sino'ng kulang na lang?'” sabi ni Vina sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Martes, May 20, kasama ang co-star na si Tessie Tomas.
Dahil dito, ayon sa aktres, naging napaka-light ng kanilang set dahil sobrang excited silang makatrabaho ang isa't isa.
“And ito kasing Born to Shine, we don't get the chance to act. Kumakanta kami, we sing together, tapos may mga recordings kami, so parang feeling namin, talagang in full 'yung mga ginagawa namin; singing, acting, minsan may pa-dancing pa. So parang reunited,” sabi ni Vina.
KILALANIN ANG 'THAT'S ENTERTAINMENT STARS NA NANAY NA NGAYON SA GALLERY NA ITO:
Sa serye, ginagampanan ni Vina ang role ni Dara Halari, isang single mom na pinalaki at inalagaan ang anak, katuwang ang kanyang mother-in-law na si Amelia, na ginagampanan naman ni Tessie.
Hindi ito nalalayo sa totoong buhay ni Vina na isa ring single mom sa anak na si Ceana. Kaya naman, ayon sa singer-actress, 101 percent ng sarili niya ang ibinibigay sa karakter.
“Para sa akin kasi when I'm always given a character, I always make sure na I always give my best; inaaral ko, kailangan I have to present it well para naman hindi mapahiya 'yung nagtiwala sa'kin, and I think nagugustuhan nila 'yung pagganap ko bilang Dara Halari,” sabi ni Vina.
Malayong-malayo rin daw ito sa huling karakter na ginagawa niya na si Felma Cruz mula sa Cruz vs. Cruz. Kung si Felma ay napaka-loving at caring na ina at soft-spoken na tao, si Dara naman ay feisty at palaban.
“Medyo nag-e-effort ako dito, Tito Boy, because very strong 'yung character niya, e. Strong si Felma pero medyo ito talaga, hindi, e. Palaban, e. At saka gagawin ang lahat and mostly, career-oriented siya,” sabi ni Vina.
Gumaganap naman si Tessie bilang si Amelia Halari, ang ina ni Dio, na napangasawa ni Dara. Sabi ng beteranang aktres, medyo salbahe ang karakter niya dito sa serye.
“I'm the one giving her all the bad ideas on how to character assassinate Minchie and also Jeni. Kaya sabi ko, 'Ay pasalbahing-salbahe pala ako dito yet again,” sabi ng aktres.
Panoorin ang panayam kina Vina at Tessie dito: