
Mas matindi ang mga hamon at aksyon sa nalalapit na bagong season ng Kapuso action-comedy series na Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis, na pagbibidahan nina Bong Revilla Jr. at Beauty Gonzalez.
Bukod dito, mayroon ding mga bagong karakter na makikilala sa naturang serye na hindi dapat palampasin ng mga manonood. Isa na rito ay ang kilalang content creator na si Boss Toyo.
Sa exclusive interview ng GMANetwork.com, labis ang pasasalamat ng online personality na maging bahagi ng cast ng action-comedy series.
“Na-excite ako kasi siyempre nandiyan si Senator Bong [Revilla Jr.] I'm very grateful na naisip nila ako at na-consider nilang maging part ako ng season three,” pagbabahagi niya.
Kwento ni Boss Toyo, masaya ang kanyang karanasan na sumabak sa taping sa unang pagkakataon at inamin rin niyang nasa-starstruck siya sa mga kasama niyang artista sa show.
“Nag-enjoy ako sobra. It's my first time na mag-taping. Sa cast kilala ko na, nakasama ko na sa show ko so medyo magaan na 'yung pakiramdam sa akin. Pero nandoon pa rin 'yung medyo naiilang ako kasi still talagang mataas 'yung respeto ko sa mga artista.
“Before naging content creator ako, talagang I'm looking up to them, mga artista. Nandoon pa rin 'yung na-starstruck ako at talagang napapatulala sa lahat ng cast from Senator Bong to Kuya Onin [Nino Muhlach]. Masaya 'yung nangyari sa show,” aniya.
Bibigyang-buhay ni Boss Toyo ang kanyang sarili sa Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis Season 3 at sinabi niyang hindi ito nalalayo sa kung sino siya sa totoong buhay.
"Sinabi sa akin ni Sen. Bong, 'Kung ano ka as Boss Toyo sa Pinoy Pawnstars, 'yun ka pa rin, 'yung character mo is still the same, walang pinagkaiba.' Actually 'yun 'yung isa sa dahilan kaya napagaan 'yung aking trabaho dito sa show na ito," lahad niya.
Abangan ang Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis Season 3 simula December 22 sa GMA.
BALIKAN ANG NAGANAP NA MEDIA CONFERENCE NG WALANG MATIGAS NA PULIS SA MATINIK NA MISIS SEASON 3 SA GALLERY NA ITO.