GMA Logo kapuso mo jessica soho
Source: Kapuso MO, Jessica Soho (YT)
What's Hot

Boutique sa isang mall, may mga buhay na mannequin!

By Kristian Eric Javier
Published August 5, 2026 6:53 PM PHT

Around GMA

Around GMA

Daan-daang pamilya, lumikas sa evacuation centers dahil sa baha | One North Central Luzon
Mga suspendidong klase sa Huwebes, August 6, 2026
Björn Again is holding shows in the Philippines this weekend

Article Inside Page


Showbiz News

kapuso mo jessica soho


Kilalanin ang mga mannequeen dito.

Hindi mapigilan ng ilang mamimili sa isang mall na mapatigil at mapatingin sa mga nagagandahang mannequin sa boutique na kanilang nadadaanan. Ang mga naka-display kasi, tila totoong-totoo.

Kaya naman, laking gulat na lang nila nang biglang kumurap, huminga, at gumalaw ang mga inaakala nilang mannequin lang.

Kilalanin ang magkaibigang transgender na living mannequin mula Cainta, Rizal, na sina Carla Delos Santos at Apple Lati. Sa Kapuso Mo, Jessica Soho, sinabi ng magkaibigan na nakuha nila ang ideya mula sa mannequin challenge na napapanood nila online.

Ayon kay Carla, siya talaga ang unang gumawa ng challenge sa isang mall sa Mandaluyong. Nagpaalam muna siya sa staff ng store, bago pumwesto katabi ng mga naka-display na mannequin.

"'Yung guard pala doon ay nakasilip pala rin sa akin habang nakaganyan [nakapamewang] ako," sabi ni Carla.

Online, marami raw ang nagpahatid ng kanilang paghanga kay Carla dahil mukha raw siyang tunay na mannequin. Kaya't hindi nagtagal ay isinama na niya ang kaibigang si Apple sa kaniyang gimik.

Kuwento ni Apple, namimili lang sila noon sa isang botique sa mall nang alukin siya ng kaibigan na magpanggap bilang mga mannequin. Pumatok naman daw ang kanilang ginawa dahil maraming gumagala ang napapatitig na lang sa kanila at sinasabing parang totoong mannequin talaga sila.

At para mas kapani-paniwala, dapat bongga ang kanilang outfit of the day o OOTD na kailangan match sa mga naka-display rin na damit. Kahit ang kanilang poses, kailangan bantayan para siguradong pareho sa mga kapwa nila mannequin.

KILALANIN ANG ILAN SA MGA KILALANG PINAY TRANSGENDER WOMEN SA GALLERY NA ITO:

Ilang cosmetic procedures din ang ginawa nina Carla at Apple sa kanilang mga sarili para ma-achieve ang mukha at katawan na parang mga mannequin.

Si Apple, nagpa-Barbie nose at Barbie forehead, pinaayos na rin ang kanyang baba. Si Carla naman, bukod sa pagpapaayos ng mukha at katawan, nagpa-Barbie Arms din para lumiit ang kaniyang mga braso.

Pag-amin ng magkaibigan, kung gaano kaganda ang pinagbago nila, gano'n din kabigat ang nawala sa kanilang mga bulsa.

"Estimated ko sa mga nagastos ko, PhP600,000. PhP350,000 'yung sponsored," sabi ni Carla.

Samantala, si Apple, "Mga nasa PhP400,000 po 'yung nagastos ko from face to body."

Ani Carla, gusto nilang makapag-mannequin challenge sa iba't ibang bansa tulad ng China, Singapore, at sa buong Pilipinas.

Hindi naman bago kina Carla at Apple ang pagmo-model nila ng damit at katawan bilang mannequins. Bago pa man nila sinimulan ang challenge, sumabak na sila sa buhay-beauty queens. Laman din kasi sila ng mga beauty pageants at contests sa kanilang barangay.

Sa katunayan, si si Apple, nakakuha na ng almost 10 crowns. Samantala, pinatunayan naman ni Carla sa kanyang bashers ang kakayahan niya bilang beauty queen.

Pero sa kabila ng kasiyahan nila, minsan na ring napapatid sina Apple at Carla sa mga hamon ng kanilang buhay. Si Apple, hindi raw noon tanggap ng kaniyang ama, kaya umalis siya at nakitira sa iba't ibang tao sa loob ng apat na taon.

"Then bumalik po ako sa amin. Miss na miss po ako ng tatay ko, ta's sabi niya, masaya na daw siya sa 'kin, matagal na niya akong tinanggap," sabi ni Apple.

Ngunit nitong nakaraang taon, nagkasakit at pumanaw ang kaniyang ama. Kaya naman ang katuwang niya ngayon, ang kaniyang long-time partner na si Cyrus Alvarez na proud sa lahat ng kaniyang nagawa, at todo ang suporta.

Suportado naman si Carla ng kaniyang pamilya. Pagbabahagi ng kaniyang ina na si Grace, bata pa lang ay alam na nilang gay si Carla dahil may bag daw ito na puno ng manika dahil para umano sa kanila, normal lang iyon.

Kaya lang, nakalamang nang kaunti ang kaibigan niyang si Apple dahil si Carla, talo sa pag-ibig.

"Hindi naman ako naghahanap, contented ako kung ano'ng meron ako," sabi ni Apple.

Ngunit tila magkakaroon pa sila ng kompetensya dahil ang celebrity crush nila, iisa! Sì Vince Maristela.

Sa katunayan, sinorpresa pa nga ni Vince sina Apple at Carla na in-character sa kanilang mannequin challenge. Ngunit kahit napilit nilang manatiling mannequins, hindi nagtagal ang bumigay din ang dalawa sa kakiligan.

Si Vince naman, bilib sa kakayahan at looks nina Carla at Apple, "Totoong mukha silang mannequin. Ang galing ng pagkakagawa ng makeup."

Panoorin ang buong feature sa Kapuso Mo, Jessica Soho: