
Dahil sa bugso ng damdamin ay nakipag-break si Geum Jan-di sa leader ng F4 na si Gu Jun-pyo.
Nagsanga ang desisyon na ito sa naging reaksyon ng binata sa pakikipagkaibigan niya kay Je-ha na tumulong sa kanya para magkaroon ng trabaho.
Source: GMA Heart of Asia Facebook page
Noong una ay palagay ang loob ni Jan-di na mabuting tao si Je-ha at maganda ang hangarin nito sa pakikipaglapit sa kanya. Pero mali pala ang pagkakakilala niya rito. Ang lahat ng kanilang pinagsamahan ay planado at para lamang sa layunin nitong makaganti kay Jun-pyo.
Sa huli ay ibinunyag ni Je-ha na kapatid siya ng isa sa mga lalaking naging biktima ni Jun-pyo at nais niya itong ipaghiganti sa lahat ng pambu-bully na naranasan nito. Alam niyang wala nang mas magiging epektibong pain para kay Jun-pyo kundi si Jan-di kaya kinidnap niya ito.
Source: GMA Heart of Asia Facebook page
Nagpadala naman ng sulat si Je-ha sa binata na nagtutukoy sa lugar kung saan matatagpuan si Jan-di. Pagdating niya roon, isang grupo ng mga kalalakihan ang nagtulung-tulong na bugbugin siya. Nilabanan sila ni Jun-pyo isa-isa kahit mag-isa lamang siya.
Mahirap para kay Jan-di ang makitang duguan si Jun-pyo mula sa pambubugbog kaya noong may makita siyang pagkakataon para ipagtanggol ito ay ginawa niya. Si Jan-di ang sumalo ng ihahampas na upuang dapat sana ay sa binata. Sa lakas ng hampas nito ay nawalan siya ng malay.
Hindi nagtagal ay dumating din ang tatlo pang miyembro ng F4 na sina Yoon Ji-hu, So Yi-jung, at Song Woo-Bin para saklolohan ang dalawa. Kalaunan ay nailigtas sina Jan-di at Jun-pyo.
Source: GMA Heart of Asia Facebook page
Nagdaan ang mga araw na masaya ang couple. Nagkaroon sila ng ilang dates, mayroong pagkakataon na sila lamang ang magkasama, mayroon ding kasama nila ang mga kaibigan nila.
Ngunit sa hindi inaasahang pangyayari ay parang bula na bigla na lang mawawala si Jun-pyo. Nagkasakit kasi ang tatay niyang si Gu Bon-hyeong, ang chairman ng Shinhwa Group at kinailangan niyang pumunta sa Macau, China para asikasuhin ang business empire nila.
Hindi sila nagkaroon ng pagkakataon ni Jan-di na makapag-usap o makapagpaalam man lang. Tinangka rin ng dalaga na habulin si Jun-pyo ngunit huli na siya.
Lumipas ang anim na buwan nang wala man lang paramdam si Jun-pyo. Hindi tuloy alam ni Jan-di kung ano na ang estado ng relasyon nila.
Hanggang isang araw ay magdesisyon siyang puntahan si Jun-pyo sa Macau para makita at makausap ito.
Saan kaya ang hahantong ang pagkikita nilang ito?
Source: GMA Heart of Asia Facebook page
Subaybayan ang Boys Over Flowers mula Lunes hanggang Biyernes, 8:45 ng gabi, sa GTV!
Kilalanin ang cast ng Boys Over Flowers sa gallery na ito: