
Isa sa pinaka-challenging para kay Buboy Villar ang role sa pinakabagong episode ng Wish Ko Lang na "Buboy Aso" kung saan bibigyang buhay niya ang kuwento ni Buboy, isang amang may polio na mag-isang pinalaki ang anak matapos iwanan ng asawa.
"Actually sa lahat ng nagawa kong role, isa ito sa pinaka-challenging na role na nagawa ko talaga. At masaya dahil syempre nakikita ko si Kuya Buboy na nakangiti habang ginagawa ko 'yung part ng buhay niya," pagbabahagi ni Buboy sa Wish Ko Lang.
Ayon sa aktor, marami siyang natutunan sa nakaaantig na kuwento ni Kuya Buboy na tinawag na "Buboy Aso" dahil sa kanyang kapansanan.
"Sobrang malaki. Unang-una sa lahat, walang makakapigil sa kung anuman ang pangarap mo sa buhay kahit na may polio ka man. 'Yung may polio nga naghahanap buhay, nagbabanat ng buto, ano pa kaya tayong kumpleto ang kamay at paa," saad ng aktor.
Dagdag ni Buboy, "At syempre lesson din sa family, relationship niya sa anak niya. Talagang na-touch din ako kasi ako rin batang ama, tatay rin ako so nalalapit ako roon sa role. Bilib ako kay Kuya Buboy kasi isa siyang malakas na tao, talagang panay ang saludo ko sa kanya."
Makakasama rin ni Buboy sa episode na ito sina Elle Ramirez, Anjo Damiles, Dentrix Ponce, M-Zhayt, Alener Ferrer, at social media star Christian Antolin.
Huwag palampasin ang "Buboy Aso" episode ng Wish Ko Lang ngayong Sabado, alas-4 ng hapon sa GMA.
Maaari ring mapanood ng mga Kapuso abroad ang Wish Ko Lang sa GMA Pinoy TV. Para sa program guide, bisitahin ang www.gmapinotv.com.
Samantala, tingnan ang daddy moments ni Buboy Villar sa kanyang dalawang anak na sina Vlanz Karollyn at George Michael sa gallery na ito: