
Muling ipinamalas ni Buboy Villar sa bagong pinagbibidahan niya pelikulang Ang Kwento ni Makoy.
Magkahalong saya at lungkot ang emosyong naramdaman ng mga manonood sa premiere nito kagabi, November 22, sa Gateway Mall Cineplex sa Quezon City.
Dahil dito, umani nang papuri ang mga aktor, lalo na si Buboy dahil sa pagpapatawa at papaiyak niya sa nasabing pelikula, kung saan gumanap siya bilang si Nurse Makoy.
Nang tanungin tungkol sa abilidad niyang ito bilang aktor, sagot ni Buboy, “Siguro po sa tagal ko na rin sa industriya. I mean, counting pa rin naman po talaga ako. Kaya ko na rin po siguro din na paglaruan ang mga emotions ko.
“At sa tulong din po ni Direk [HJCP]. Sa totoo po niyan, hindi ko magagawa yung mga ibang eksena kung wala si direk. Kasi, nagtatanong din ako sa kanya kung mayroon siyang idea, mayroon siyang gusto, na pwede ko rin maisip at maramdaman para mas mapaganda yung eksena sa pelikula.
“Siguro, bina-balance ko lang talaga yung pagiging masaya at pagiging malungkot.”
Paglalarawan pa niya tungkol sa kanyang karakter, “Alam lang siguro talaga ni Makoy kung kalian siya malungkot at alam din niya kung kalian siya nagpapasaya. So, mahirap din talaga, e, kasi kung alam mong durog ka, magpapatawa ka sa mga ibang tao kahit sa mga mahal ko. Ang hirap, 'no? Siguro talent din siya at pag-unawa, sa haba ng pasensya, at pagmamahal sa sarili niya yun ang punung-puno siya.”
Para kay Buboy, halos may pagkakatulad sila ng karakter na ganyang ginampanan.
Aniya, “Actually, may similarities kami ni Makoy. Gusto ko mapasaya kayong lahat. Gusto ko maibigay ang nararapat para sa inyo, gawin ang trabaho ko. Si Makoy, ganun din siya. Ang sa kanya lang, too much ang talagang paggawa niya kaya mahal na mahal ko si Makoy.”
Umasa si Buboy na maraming Pilipino ang makanood ng Ang Kwento ni Makoy nang maipaabot nang husto ang mensahe nito.
“Napakasimpleng pelikula, pero kapag inintindi natin napakadaming sinasabi, napakaraming aral na dulot sa atin nito.
“So, ang wish ko, hindi naman ako laging magsasabi na panoorin n'yo to, ang akin lang, sana mapanood ng mga bata, teenagers, mga lola, mga pamilya, para mapahalagahan pa natin lalo ang nurses natin,”sabi niya.
Samantala, lubos ang pasasalamat ni Buboy dahil sunud-sunod ang mga proyekto niya ngayon.
Bukod sa pelikula nabanggit, napapanood din si Buboy sa reality game show na Running Man Philippines tuwing weekend. Minsan ang may guest appearances din siya sa All-Out Sundays, Bubble Gang, at The Boobay and Tekla Show. Bukod pa sa mga ito, inaabangan din ng fans ang vlogs ni Buboy sa YouTube.
“Ang pakiramdam ko ngayon, sobrang saya at sobrang pag-iingat dahil nandito ako sa itaas ngayon, e. Natatakot ako sa mga paligid, siyempre, na baka ma-lost ako. So, lagi ko pong pinagpe-pray, dati pa lang po, n asana dumating ulit ang pagkakataon na bumalik ulit ang ningning ng isang Buboy Villar. At lagi ko pong sinasabi, kahit sino po, kahit saang production, lagi kong sinasabi na gagawin ko po ang best ko sa role, gagawin ko po ang trabaho ko.
Patuloy pa niya, “Sa ngayon, ang gaganda, e. May Running Man, 'tapos meron akong Ang Kuwento ni Makoy--hindi ko po in-expect lahat na, 'Wow, Lord, ang bilis mong ipinarating sa akin 'to.' Pinagpe-pray ko na sana ilagay mo ako sa tamang path, sa right decision, para magpatuloy pa 'to. At sa tulong din ng Sparkle, of course, kaka-sign ko lang sa kanila.
“So, masasabi ko na may nangyayari. Umiikot ang buhay ko at ito ay paangat.”
Sa muling pag-angat ng kanyang showbiz career, inspirasyon daw ni Buboy ang kanyang pamilya, lalo na ang kanyang dalawang anak na sina Vlanz at George.
“Actually, yung dalawa kong anak. Wala na akong iniintindi pa. Sa nanay ko dati, ngayon may anak na ako… Sila ang nagbibigay ng lakas sa akin para sa proyekto na ito at gawin ang mga roles na hindi ko pa nagagawa pero alam kong kaya ko. Kahit alam kong imposible, gagawin ko alang-alang sa pamilya ko at alang-alang sa passion ko bilang artista.”
SAMANTALA, TINGNAN ANG SIMPLENG BUHAY NI BUBOY SA GALLERY NA ITO: