
Ikinuwento ni Buboy Villar ang kaniyang buhay bilang isang ama.
Sa segment na "Life Story Soundtrack" ng TiktoClock, inilahad ni Buboy Villar ang mga nais niyang gawin bilang isang ama.
Si Buboy Villar ay may dalawang anak na sina Vlanz at George sa dating partner na si Angillyn Gorens.
PHOTO SOURCE: @buboyvillar
Kuwento ni Buboy Villar, "Nilagay ko sa utak ko, hindi ako magiging katulad ng tatay ko. Gusto ko pag lumaki mga anak ko or basta nandito ako, gusto ko kapag nakita nila ako, hindi nila ako nakikitang magalit."
Dugtong pa ni Buboy, "Gusto ko laging masaya lang, laging pinapasaya sila."
RELATED GALLERY: Buboy Villar, mas nakikita na ngayon ang pagiging isang ama
Inamin ni Buboy Villar ang mga naganap sa kanilang buhay. Naging tampok din ang buhay noon ni Buboy sa #MPK.
Ani Buboy, "Parang siya 'yung dakilang gangster ko. Kahit papaano nasasaktan din kami noon ng nanay ko, lagi ko pa rin siyang iniintindi. Mas pinipilit ko pa rin siyang intindihin. No matter what happens, mapunta man ako sa Pluto, sa Mars, tatay ko pa rin siya."
Itinanong ni Herlene Budol kung nahirapan si Buboy sa pagiging ama. Si Buboy ay nagkaroon ng anak sa edad na 17 years old.
Paliwanag ni Buboy, "Mayroon akong kasabihan sa sarili ko. Huwag mong isipin na mahirap ang mga bagay-bagay. Kasi kung iisipin mo na mahirap ang mga bagay-bagay na 'yan, mahihirapan ka talaga. Tingnan mo na lang yung positive side. Kung ano ang puwede mong gawin, ano pang kaya mong gawin para sa pamilya mo.
Itinanong naman ni Pokwang kung may regrets ba si Buboy sa kaniyang pinagdaanan.
Sagot ni Buboy, " Siguro wala akong pinagsisisihan kasi kung mayroon man, baka masaktan lang ako e. Kumbaga, sinasabi ko na lang sa sarili ko na kung mangyari man ulit 'to sa'yo at least alam mo na gagawin mo. Kung daanan ko man ulit 'yan, kung may mali, gagawin ko na lang tama."