
Inamin ni Bugoy Cariño na nagkaramdam siya ng pagsisi nang maging binatang ama siya noon.
Nagsimulang maging ama si Bugoy noong siya ay 16 years old. Ngayon ay seven years old na ang anak nila ng volleyball player na si EJ Laure, si Scarlet.
“Noon una na talaga nanghinayang po ako,” sabi ni Bugoy nang makanayam siya ng GMANetwork.com at iba pang entertainment media sa movie premiere ng Breaking the Silence kamakailan.
Sa halip na malungkot, itinuon daw ni Bugoy ang kanyang pansin sa pagtataguyod ng kanyang pamilya.
Katuwiran niya, “Kasi, habang tumatagal, nare-realize ko na gift siya ni God, blessing siya.
“So, noong time na yun, mas maraming blessings yung pumasok sa akin. Yung mga pala na yun.
“Inalis ko na sa isip ko yung mga regrets ko, yung mga pagsisisi ko. So, mas nag-focus na lang ko sa family ko.”
Dagdag pa ng 23-year-old celebrity dad, “Everything happens for a reason talaga. Kasi, hindi naman po ito yung ibibigay sa atin ng Panginoon kung hindi natin kaya. Yung mga binibigay niya sa atin, kung hindi natin kaya i-handle, hindi niya ito ibibigay.
“So, lahat po nang mangyayari sa atin, lahat nang binibigay niya sa atin, problema, blessings, pagsubok, lahat to para sa atin talaga, kaya nabibigay.”
TINGNAN: Celebrities na may anak sa pagkabinata
Samantala, unti-unti na ring nakikilala ng publiko ang anak ni Bugoy na si Scarlet, na minsan ay nakakasama niya sa kanyang social media posts.
Pero dahil nakakaintindi na rin ang kanyang anak, sinusubukan daw nina Bugoy at EJ na limitahan ang anak sa paggamit ng social media. Isa raw itong paraan para maiwasan ang anumang negatibong komento online.
Paliwanag ni Bugoy, “Dati kasi okay lang na mag-cellphone. Pero ngayon, may limit na siya sa pagse-cellphone kasi ang dami nang nakikita, lumalabas na kung anu-ano, na hindi maganda sa mata ng anak namin, sa isip niya. Siyempre, ngayon, yung anak ko, seven years old na po, so yung mga nakikita niya, pumapasok ko sa isip nila.”
Sa ngayon, wala pa raw sa plano nila ni EJ na sundan si Scarlet.
“Wala pa. Gusto ko pa po siya makita magpalo. Gusto ko pa siya magpalo. Gusto ko pang sumuporta sa kanya,” pagtatapos ni Bugoy.
Related gallery: Bugoy Cariño and EJ Laure's beautiful wedding photos