
Nag-react ang indie singer-songwriter na si Bullet Dumas sa mapangahas na linya ni Glaiza de Castro bilang si Eunice sa 2009 drama series na Stairway To Heaven, na kasalukuyang nagre-rerun.
Nakuha ni Glaiza ang atensyon ng indie artist matapos mapanood ang episode 23 ng nasabing Kapuso series na ipinalabas kahapon, June 17.
Sa episode, kinompronta ni Eunice si Tristan (TJ Trinidad) matapos makitang magkasama sina Jodi (Rhian Ramos) at Cholo (Dingdong Dantes) sa mall.
"Bobo ka kasi kaya ka natakasan," ang isa sa kontrabida lines na binitawan ni Glaiza na nakakaaliw na kinumentuhan ni Bullet sa kanyang Instagram Story.
Ika ng huli, "Bahahaha! Ngayon lang ako legit nakanood ng TV since COVID ta's ito pa talaga ang linyahan mo, Idle @@glaizareduz [laughing emoji]."
Ini-repost naman ni Glaiza ang Instagram Story ni Bullet at pabirong sinabing, "Nakakahiya sa isang Bullet Dumas," kalakip ng isang face palm emoji.
Panoorin ang nasabing eksena dito:
Muling ipinapalabas ang Stairway To Heaven bilang pansamantalang kapalit ng Prima Donnas.
Ito ay alinsunod sa special programming ng GMA ngayong panahon ng COVID-19 quarantine.
Patuloy na subaybayan ang hit 2009 drama series Lunes hanggang Biyernes, 3:25 p.m., sa GMA Afternoon Prime.
Samantala, maaaring mapanood ang full episodes ng Prima Donnas at ng iba pang Kapuso shows sa GMANetwork.com at GMA Network app.