
Dumating galing Amerika ang bunsong anak ng yumaong aktres na si Jaclyn Jose, o Mary Jane Guck sa tunay na buhay, na si Gwen Garimond sa huling gabi ng kanyang burol noong Linggo, March 10.
Sa Instagram post ng aktres na si Mellissa Mendez kahapon, nagbahagi siya ng ilang larawan mula sa huling araw ng burol ng award-winning actress sa Arlington Memorial Chapel sa Quezon City.
Makikita rito ang lungkot sa mukha ni Gwen habang katabi ang kanyang kapatid na si Andi Eigenmann at ang tatlong anak nito.
Nagbigay din ng huling respeto kay Jaclyn ang partner ni Andi na si Philmar Alipayo at ang ama ni Ellie, panganay ni Andi, na si Jake Ejercito.
Kabilang rin sa mga dumalaw at nakiramay ang ilang kaibigan at katrabaho ng aktre na si Tom Rodriguez, kapatid ni Andi na si Sid Lucero, at mga pinsan nitong sina Ryan at Geoff Eigenmann.
Inalala naman ng isa pang kapatid ni Andi na si Gabby Eigenmann ang closeness nila ng veteran actress.
"Ako yung tumatakas kay Andi, ako yung humihiram kay Andi kay Tita Jane kapag may family gatherings ang mga Eigenmanns. I would step up and represent," ani Gabby sa panayam ni Aubrey Carampel para sa Unang Balita.
Si Gabby raw ang unang tinawagan ni Andi tungkol sa nangyari sa kanyang Nanay Jane at agad siyang nagpunta sa bahay ng aktres kung saan natagpuan siyang walang buhay.
Namatay si Jaclyn noong March 2 sa edad na 60 sanhi ng heart attack. Noong araw ding iyon ang araw ng kapanganakan ni Gabby.
Isa raw sa mga hindi malilimutan ng aktor sa kanyang Tita Jane ang pagiging ina nito.
"It may not be 100 percent perfect. It was hard kasi Andi wanted to have a life, si Gwen also wanted to have a life. Hindi ba 'yon yung best gift na binigay ni Tita Jane kasi they learned how to be independent?"
Kinumpirma ni Gabby na isa sa mga pinag-uusapan ang pagdala ng mga abo ng aktres sa Siargao kung saan nakatira si Andi.
"May sinabi si Andi na 'uwi na tayo nanay.' Yun ang 'di ko makakalimutan, that hit everyone especially me....Madaming ibig sabihin 'yon," ika ni Gabby.
Hiniling naman ng pamilya na maging pribado ang inurnment ceremony para sa aktres.
Panoorin ang buong ulat sa video sa itaas.
BALIKAN ANG MAGAGANDANG ALAALANG INIWAN NG MAHUSAY NA AKTRES SA GALLERY NA ITO.