
Matapos ang matagumpay na “Ang Huling El Bimbo” musical tampok ang mga awitin ng bandang Eraserheads, isang bagong musical muli ang mapapanood sa susunod na taon tampok naman ang mga awitin ng tinaguriang pambansang banda na Parokya Ni Edgar.
Sa video na inilabas ng Newport World Resorts o NWR Musicals sa social media, kinumpirma mismo ng Parokya Ni Edgar frontman na si Chito Miranda ang kanilang ginagawang musical na pimagatang “Buruguduystunstugudunstuy” na pangalan din ng kanilang ikalawang album noon.
“'Buruguduystunstugudunstuy: Ang Parokya Ni Edgar Musical.' Abangan n'yo, 2024,” sabi ni Chito sa video habang tumutugtog sa kanyang background ang OPM hit na “Bagsakan.”
Kasabay nito, bukas na rin ang auditions para sa “Buruguduystunstugudunstuy” para sa lahat na may edad 18 hanggang 50 taong gulang na may talento sa pagkanta, pagsayaw, at pag-arte.
Ang mga interesado ay kinakailangang umawit ng anumang Parokya Ni Edar song in 16 bars. Maaaring ipasa ang audition video sa PNE2024@gmail.com mula sa September 12 hanggang October 1.
Susundan naman ito ng in-person auditions simula October 16 hanggang October 18, at final callback fnaman October 24 hanggang sa October 26.
Samantala, mapapanood naman si Chito bilang isa sa coaches ng The Voice Generations sa GMA kasama sina Billy Crawford, Julie Anne San Jose, Stell Ajero, at host nito na si Dingdong Dantes.