
Nais ni Camille Prats na muling makatrabaho ang aktres at soon-to-be mom na si Angelica Panganiban.
Matatandaan na ang dalawa ay parehong kilalang child stars noong '90s at bumida sa pelikulang Sarah… Ang Munting Prinsesa na inilabas noong 1995. Sa nasabing pelikula, binigyang buhay ni Camille ang role bilang Sarah habang si Angelica naman ay gumanap na Becky.
“I really hope and I dream of working with her again at this stage of our lives. Kasi growing up and even as a child transitioning to becoming a teenager, siya 'yung lagi kong kasama,” kuwento ng Kapuso TV host sa online exclusive ng Sparkle GMA Artist Center.
Patuloy niya, “So, alam ko at natatandaan ko pa how wonderful it was to work together and it makes me wonder na sa edad namin ngayon, ano kayang pakiramdam na magtrabaho ulit.”
Ibinahagi rin ni Camille ang kanyang pinaka-challenging na role bilang aktres. Ayon sa celebrity mom, ito raw ay ang karakter niyang si Rebecca sa Kapuso drama series na Second Chances.
Nakasama niya sa seryeng ito sina Jennylyn Mercado, Raymart Santiago, at Rafael Rosell.
Aniya, “I played the role of someone na meron siyang bipolar. So 'yung emotions niya parang from super super happy bigla na lang siyang nagbe-break down. So, I really found that challenging tapos 'yung director ko no'n was Direk Laurice Guillen so wala na akong kailangan i-explain pa [laughs].”
Panoorin ang masayang video ni Camille sa YouTube channel ng Sparkle GMA Artist Center.
SAMANTALA, SILIPIN ANG STUNNING LOOKS NI CAMILLE PRATS SA GALLERY NA ITO.