
Isa sa mga hindi malilimutang celebrity proposal ang flash mob proposal ni John Prats kay Isabel Oli. Kaugnay nito, malaki ang pasasalamat ng una sa kanyang nakababatang kapatid na si Camille Prats dahil siya ang naging tulay para magkakilala sila ng kanyang asawa.
Sa panayam ng magkapatid na sina John at Camille Fast Talk with Boy Abunda nitong Lunes, November 4, ikinuwento ng actor-director na 17 o 18 siya noong una siyang magka-girlfriend. At ayon kay Camille, halos lahat ng naging relationship ng kaniyang kuya ay iniyakan niya nang husto.
Paliwanag ng aktres, “He's not the type of person who would jump from one relationship to another. Talagang makikita mo na meron siyang 'Pahinga muna.' Talagang alam mo na medyo nasaktan siya du'n, pero hindi niya iindahin.”
Sabi ni John, ito ay dahil gusto niyang manatili ang good memories ng kaniyang naging mga relationship. Ngunit, aniya, dumating sa panahon na napagod na siya.
“Emotionally tsaka financially, nakakapagod, a. As simple as kakain kayo, pinakain mo na 'yun a. So bawas na sa sahod mo 'yun,” biro pa ni John.
Pag-amin pa niya, ipinagdadasal na niya noon na mahanap na niya ang “The One.” Kaya naman nang dumating sa buhay niya si Isabel, nagpatulong na siya kay Camille. Aniya, hinikayat niya ang kapatid na kunin nito ang number ni Isabel para sa kaniya.
“Kasi sa GMA siya, e, sa kabila ako. So, wala kaming [koneksyon], sabi ko, 'Paano kaya 'to?'” pag-alala ni John.
TINGNAN ANG HEARTWARMING MOMENTS NG PAMILYA NINA JOHN AT ISABEL SA GALLERY NA ITO:
Dahil kilala naman ni Camille si Isabel, minessage na niya ito.
Pag-alala niya, “'Yun naman, I would do that for him. And I really liked her. Nu'ng sinabi niya, parang nu'ng time na 'yun, sinasabi niya, 'Cams, gusto ko na talaga mahanap 'yung 'The One.''
Kuwento pa ni Camille, noong una ay ayaw niya sanang i-text noon si Isabel dahil baka isipin lang nito na kaya lang siya nag-message ay para makuha ang number para kay John. Ngunit aniya, sa huli, bumigay din siya.
“Una, siyempre, chika muna, na-save pa niya 'yung convo namin, 'yung text namin. She saved it. Hanggang sa sinabi ko na 'Hinihingi kasi ng kuya ko 'yung number mo.' Tito Boy, hindi ako nireplyan overnight,” pag-alala ni Camille.
Pagpapatuloy ng aktres, “And then the next day, 'yung bestfriend niya na taga-dito din, si Ate Mavic, sinabihan siya, 'Huy, mahiya ka naman, hinihingi 'yung number mo, hindi mo ba ibibigay?' Na-pressure ngayon siya. So parang siya, na-pressure ngayon siya, binigay ngayon niya.”
Kuwento pa ni John, noong nakuha na ni Camille ang permiso ni Isabel an ibigay ang number sa kaniyang kuya ay binilinan pa siya ng kapatid na hinay-hinay lang sa pag-text.
“I can still remember, sabi niya, 'Kuya, 'yung pag-text mo, kalma lang, ah? 'Wag masyado.' Sabi ko, 'Sige, sige, pigilan ko 'yung sarili ko,'” sabi ni John.
Ngunit nang nalaman niyang may nanliligaw na kay Isabel, ang sabi umano ni Camille, “'Sige kuya, itodo mo na.' So 'yun na, talagang laban na 'to.”
Pagbahagi naman ni Camille, “Nasa ibang lugar siya. Nu'ng gabing 'yun, Tito Boy, nakapag-send siya ng picture sa'kin, magkasama na sila. Hindi na sila naghiwalay.”