
Nagkuwento ang Mommy Dearest star na si Camille Prats na minsan niyang na-date noon ang kapwa actor na si Carlo Aquino.
Sa panayam kina Camille at John Prats sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Lunes, November 4, tinanong ang aktres kung sino ang kaniyang “first love” na nagsisimula umano ang pangalan sa letter C. Reaksyon ng aktres, “Hindi pa mamatay-matay 'yan, Tito Boy, a?”
Ayon kay Camille, hindi niya matawag na first love ang naramdaman niya noon at sa halip ay puppy love lang. Ngunit dahil hindi pa sinabi ng aktres kung sino ang nasabing puppy love, nag-alok na si Boy Abunda na manghula.
“Carlo Aquino?” tanong ni Boy sa kaniya.
“Oo, hindi ko naman na dineny, 'di ba? Hindi ko naman dineny,” sagot naman ni Camille.
BALIKAN ANG ILANG JAW-DROPPING LOOKS NI CAMILLE SA GALLERY NA ITO:
Kuwento naman ng kapatid ng aktres na si John Prats, parte pa sila noon ng banda nila na JCS kasama si Stefano Mori, at hindi niya umano alam na pinupormahan na pala ni Carlo ang kaniyang kapatid.
Pag-alala ng actor-director, “I can still remember nu'ng nangyayari 'yung mga moments na ganiyan, siyempre, JCS, banda kami, tapos hindi namin alam, pinopormahan pa nu'ng isa 'yung kapatid ko. Nu'ng nalaman ko talaga, para kaming mga ''Wag natin papansinin 'yan, Stefano a?'”
Nakaramdam naman ng guilt si Camille noong mga panahon na 'yun at sinabing kasalanan niyang hindi pinapansin ng mga kabanda niya si Carlo.
“Pina-feel niya (John) talaga na 'Bad trip ako sa ginawa mo,'” pag-alala ni Camille.
Kuwento ni Camille ay napaka-protective na kuya ni John a kaniya. Ngunit ito rin mismo ang dahilan kung bakit wala na siyang naging manliligaw o karelasyon na celebrity.
“Kasi lahat, kaibigan niya. So parang lahat, 'Bawal nang ligawan si Camille,' kasi kilala si Kuya,” pag-alala ng aktres.