
Isang maagang pamasko ang dumating para kay Caprice Cayetano sa Bahay ni Kuya.
Sa nakaraang episode ng Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition 2.0, matagumpay na natapos nina Caprice at Joaquin Arce ang kanilang weekly task.
Dahil dito, nagkaroon sila ng pagkakataong makatanggap ng regalo mula sa kanilang mga mahal sa buhay sa outside world.
Ngunit bago nila makuha ang mga ito, kinailangan muna nilang hulaan kung alin sa limang kamay na mag-aabot ng regalo—ang kamay ng kanilang pamilya.
Unang pumasok sa task room si Caprice, kung saan agad niyang naramdaman na ang kanyang ama ang nasa loob ng Bahay ni Kuya.
"Kuya naririnig ko po si daddy. Nafe-feel ko po kuya 'yung pag crack niya po ng knuckles niya Kuya. Lukso ng dugo yata po, Kuya," emosyonal na pahayag ni Caprice.
Nang hawakan at suriin ng Kapuso housemate ang mga kamay, kaagad niyang natukoy ang kanyang ama.
"Nahawakan ko 'yung huling kamay, 'yung kamay ni daddy, na-feel ko po agad 'yung love. Parang kahit isang kamay lang po iyon, parang nahawakan ko po 'yung kamay ni mommy, nanay, tatay, uncle, ninong, lahat po sila, Kuya," ani Caprice. "Bonus na lang po talaga 'yung regalo, Kuya. Kahit 'yung kamay lang ni daddy, mahawakan ko, Kuya, masayang-masaya na po ako."
Dahil tama ang kanyang hula, binigyan ng pagkakataon ang mag-ama na magyakapan at makipag-usap.
"Si mommy 'di natutulog, pinapanod ka. Galingan mo lagi a," sabi ng ama ni Caprice habang mahigpit na yakap ang kanyang anak.
Sa huli, natanggap ni Caprice ang kanyang regalong bag. Ayon sa kanyang ama, pinili nila itong ibigay dahil deserve niya ito, kahit pa madalas umano siyang tumangging pabilhan ng mga bagay para sa sarili.
Ang emosyonal na eksena ay kaagad pinusuan ng netizens. Marami raw ang naiyak at naantig ang puso sa pagkikita muli ng mag-ama.
Subaybayan ang Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition 2.0, gabi-gabi 9:40 pm, Sabado 6:15 pm, at Linggo 10:05 pm.
Iboto rin ang iyong paboritong PBB housemates sa GMANetwork.com Awards 2025!